MANILA, Philippines – Diniskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang nanalong alkalde ng Silang, Cavite na si Alstom Kevin Anarna, matapos mapatunayang may kasong administratibo sa ilalim ng kanyang dating panunungkulan.
Batay sa kopya ng resolusyon, naging basehan ng diskwalipikasyon ang hatol ng Office of the Ombudsman noong nakaraang taon, kung saan napatunayang guilty si Anarna sa grave misconduct at serious dishonesty. Dahil dito, pinatawan siya ng perpetual disqualification mula sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Ayon sa Comelec, may sapat na batayan upang ideklarang hindi kwalipikado si Anarna na humawak ng posisyon bilang alkalde, kaya’t iniutos na ang pagtitipon ng Municipal Board of Canvassers ng Silang upang opisyal na iproklama ang kandidatong may susunod na pinakamaraming boto.
Batay sa resulta ng halalan, ang sumunod kay Anarna sa dami ng boto ay si Gented Carranza, na nakakuha ng mahigit 40,000 boto.
Matatandaang naging kontrobersyal din si Anarna noong kampanya matapos magbitiw ng biro kaugnay sa mga solo parents, na umani ng batikos mula sa publiko at mga sektor na nagtataguyod ng karapatan ng mga solo parent. Jocelyn Tabangcura-Domenden