QUEZON CITY — Pormal nang nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte ang Memorandum of Agreement (MOA) kasama sina UP Chancellor Edgardo Carlo Vistan at mga opisyal ng Pride PH para sa pagsasagawa ng LoveLaban 3: Pride March and Festival na gaganapin sa darating na Sabado, Hunyo 21, sa UP Diliman, Quezon City.
Ang kasunduan ay nagpapakita ng buong suporta ng lokal na pamahalaan ng QC, University of the Philippines, at LGBTQIA+ community sa isang malakihan, ligtas, at inklusibong selebrasyon ng Pride Month 2025.
Target na makalikom ng 250,000 kalahok mula sa LGBTQIA+ community, opisyal ng pamahalaan, mga lider ng negosyo, at iba pang sektor ng lipunan sa inaasahang pinakamalaking Pride event sa bansa ngayong taon.
Ayon kay Mayor Belmonte, patuloy ang adhikain ng lungsod na maging modelo ng pantay-pantay na pagtrato anuman ang kasarian, oryentasyon, lahi, o estado sa buhay.
“Sa Quezon City, hindi natin tinotolerate ang diskriminasyon. Ginagalang at kinikilala natin ang ambag ng Pride community sa edukasyon, negosyo, at sa maraming larangan,” pahayag ni Mayor Belmonte.
Dagdag pa niya, ang QC ay nananatiling isang ligtas at bukas na espasyo para sa LGBTQIA+ community.
Samantala, tiniyak ni Department of Public Order and Safety (DPOS) chief Elmo San Diego na naka-alerto na ang mga awtoridad para sa seguridad at kaayusan sa buong panahon ng aktibidad, lalo na’t inaasahang dadagsain ito ng libu-libong kalahok. Santi Celario