MANILA, Philippines – Umangat ang Pilipinas sa 8th place sa 2025 Global Muslim Travel Index (GMTI) para sa mga bansang hindi kasapi ng Organization of Islamic Cooperation (OIC), ayon sa ulat na inilabas ngayong Hunyo ng Mastercard at CrescentRating.
Mula sa dating 12th place noong 2024, nagtala ang bansa ng 7-point increase, na may kabuuang iskor na 53 ngayong taon, patunay ng lumalakas na reputasyon ng Pilipinas bilang isang inclusive at culturally sensitive na destinasyon para sa Muslim travelers.
Ang Pilipinas ay kinilala sa ulat bilang isa sa mga non-OIC countries na may “strong gains” kasama ang Taiwan, Thailand, Ireland, at Australia.
Tampok sa ulat ang pagsusumikap ng bansa na palawakin ang Halal-certified dining at accommodations, pati na ang pagsasama ng Muslim-friendly features sa mga pangunahing tourist spots.
“The Philippines is steadily positioning itself as a Muslim-friendly destination by strengthening its capacity to welcome Muslim travelers,” ayon sa GMTI 2025 report.
“Efforts focus on improving accessibility to Halal food and integrating Muslim-friendly features at key tourist sites.”
Binanggit din sa ulat ang aktibong papel ng Philippine tourism authorities sa pagtutok sa pangangailangan ng mga Muslim turista, habang isinusulong ang mayamang kultura, kalikasan, at pagkakaiba-iba ng bansa.
Sa non-OIC category, nanguna ang Singapore na may iskor na 71, tumaas ng limang puwesto mula noong nakaraang taon.
Sa lumalawak na pandaigdigang kompetisyon para sa Muslim-friendly tourism, nananatiling kumpiyansa ang mga tourism stakeholder na lalawak pa ang posisyon ng Pilipinas sa mga susunod na taon. Kris Jose