MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Senador Bam Aquino ang pagsasabatas ng kanyang panukala na layong palakasin ang access sa de-kalidad na edukasyon sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA), makatutulong para masiguro na may ligtas at mas madaling paraan ang mga estudyante sa malalayong lugar sa bansa na makarating sa paaralan.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, nagsilbi si Aquino bilang principal sponsor at co-author ng Republic Act No. 12321, o ang Last Mile and GIDA Schools Act, na pinirmahan kamakailan bilang batas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang unang batas ni Aquino mula nang magbalik sa Senado noong 2025.
“Ang pagsasabatas nito ay isang mahalagang hakbang para matiyak na walang magiging hadlang sa bawat batang Pilipino na makapag-aral, kahit saan man siyang dako ng Pilipinas,” wika ni Aquino.
“Sa tulong nito, umaasa tayong matutuldukan na ang mga sitwasyon na kailangang lumusong sa ilog, maglakad ng ilang kilometro sa gitna ng init, at tumawid sa mga sira-sirang tulay ang ating mga estudyante bago makarating sa paaralan,” dagdag pa niya.
Ayon kay Aquino, makatutulong ang bagong batas para mailapit ang ligtas at de-kalidad na edukasyon sa mga bata sa malalayong lugar kasabay ng pagtiyak na makatatanggap ng kailangang suporta ang mga guro at mga lokal na komunidad.
Itinatakda ng batas ang mga pamantayan upang matiyak na ang mga paaralan ay nasa loob ng tatlong kilometrong lakarin mula sa komunidad o may ligtas na pampublikong transportasyon na maaaring gamitin ng mga estudyante.
Inaatasan din nito ang pagpapatayo ng sapat na mga silid-aralan at pinalalakas ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na ang mga paaralan ay may maayos na access sa mga kalsada, kuryente, tubig, at internet.
Naglalaan din ang batas ng suporta para sa mga gurong nakatalaga sa mga liblib na lugar, kabilang ang karagdagang kompensasyon at mga allowance, tulong sa transportasyon at pabahay, at tuloy-tuloy na propesyonal na pagsasanay upang mapanatili at higit pang mapahusay ang kanilang kakayahan sa pagtuturo.
Sa ilalim ng batas, bibigyan ng prayoridad sa pagkuha ang mga kuwalipikadong guro at iba pang kawani ng paaralan na mga residente o handang manirahan sa komunidad at may ugnayang pangkultura sa GIDA communities, upang mas maging epektibo ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral. Ernie Reyes