Home METRO Latak na armadong grupo sa NegOr minamanmanan sa 2025 elections

Latak na armadong grupo sa NegOr minamanmanan sa 2025 elections

DUMAGUETE CITY — Mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad sa Negros Oriental ang mga natitirang miyembro ng isang dating private armed group (PAG) na maaaring bumalik sa lalawigan para sa nalalapit na halalan o sa personal na dahilan, ayon sa opisyal ng pulisya noong Miyerkules.

Sinabi ni Lt. Stephen Polinar, tagapagsalita ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOPPO), na anim na miyembro ng dating grupo ang pinaniniwalaang tumakas patungo sa ibang bahagi ng isla matapos ma-disband ang kanilang operasyon ilang taon na ang nakalilipas.

Ang mga indibidwal na ito ay wanted dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa mga insidente ng pamamaril, kabilang na ang ilang kaugnay ng halalan. Sila rin ay iniimbestigahan para sa posibleng koneksyon sa pagpatay kay dating Gobernador Roel Degamo noong Marso 4, 2023, bagamat tumanggi si Polinar na magbigay ng karagdagang detalye.

Sa pakikipagtulungan sa National Bureau of Investigation (NBI), patuloy na minomonitor ng pulisya ang kilos ng mga suspek at tiniyak sa publiko na hindi makakalusot ang sinuman sa kanilang pagbabalik sa Negros Oriental.

Dagdag pa ni Polinar, wala pang ulat na natanggap tungkol sa pagdating ng mga armadong lalaki o mga guns-for-hire sa lalawigan para sa midterm elections.

Pinaigting na rin ang seguridad sa mga entry at exit points tulad ng mga paliparan, pantalan, at mga border ng lupa upang matiyak na walang makapasok na masasamang elemento sa Negros Oriental. Santi Celario