Home OPINION LCSP SA MOTORISTA, PASAHERO: CARMAGEDDON ‘DI DAPAT MAGING PROBLEMA

LCSP SA MOTORISTA, PASAHERO: CARMAGEDDON ‘DI DAPAT MAGING PROBLEMA

239
0

KUNG may sigurado tuwing papalapit ang Pasko, ito’y hindi bonus, hindi salenkundi ang mala-carmageddon na trapiko. At ngayong December 12 at 13, muling nagpaalala ang LCSP na maghanda ang lahat ng motorista. Payday Friday, sabayang Christmas party, at dagdag pang errands at kombinasyon itong tiyak na magluluto ng mabigat at umaapaw na daloy ng sasakyan.

Pero sa gitna ng mala-bagong taon na busina at usok sa kalsada, may mas malalim na punto ang pakiusap ng Lawyers for Commuters Safety and Protection na dapat may disiplina at malasakit mula sa drivers hanggang sa pasahero.

Unang punto ng LCSP ay ang taxi at TNVS drivers. Paulit-ulit na pakiusap na huwag tumanggi sa mga pasahero at iwasan ang booking cancellations. Tama. Franchise violation ‘yan at hindi dahil pahirap sa pasahero, kundi dahil binibigyan sila ng prangkisa para magserbisyo, hindi para mamili. Nauunawaan natin na naghahanapbuhay sila, gusto nilang kumita, at madalas sila rin ang pinakaapektado sa matinding trapiko. Pero kung public utility ka, may obligasyon kang unahin ang publiko. Hindi pwedeng “trip-trip lang” o “kung saan mas malaki ang kita.”

Ikalawang punto: pasahero. Oo, may karapatan kang magreklamo kapag tinanggihan ka o kinansela ka. Pero hindi rin masamang umunawa. Ang driver, pagod din. Nakasabit sa trapiko nang oras-oras, sumusunod sa boundary, naghahabol sa kita, at madalas pa, sila ang nasisisi kapag hindi umubra ang galaw ng lungsod. Kung hindi naman nangongontrata, bakit hindi natin pagaanin ang araw nila? Hindi ba’t mas masarap ang Pasko kung pareho kayong may konting pasensya?

At sa gitna nito, umaasa ang LCSP sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board na kayang balansehin ang interes ng pasahero at kabuhayan ng drivers. Ang tanong: hanggang kailan? Kasi taon-taon, pareho ang senaryo. Parehong babala. Parehong problema. Wala bang mas sistematikong solusyon?

Habang wala pa ‘yan, isang paalala na lang: hindi natin kontrolado ang trapiko, pero kaya nating kontrolin kung paano tayo umasta sa gitna nito. Kung may dagdag pasensya ang lahat mula drivers, pasahero, motorista isama na ang mga naglalakad sa kalye na walang pakundangan sa pagtawid ay baka hindi carmageddon ang tunay na problema, kundi ang sarili nating kakulangan sa pang-unawa.

At ngayong Pasko, kahit papaano, sana bawasan natin ang trapikong wala sa kalsada pero iyong trapiko sa ugali.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here