Home LIFESTYLE HEALTH Lead pollution sa hangin ng Metro Manila nananatili — pag-aaral

Lead pollution sa hangin ng Metro Manila nananatili — pag-aaral

121
0

MANILA, Philippines – Natuklasan sa isang bagong pag-aaral ng Ateneo de Manila University Department of Physics at Manila Observatory na may bakas pa rin ng toxic lead sa hangin ng Metro Manila kahit mahigit dalawang dekada nang tinanggal ang leaded gasoline sa bansa.

Inilathala sa Atmospheric Environment noong Pebrero 2026, sinuri ng pag-aaral ang air samples noong 2018 at 2019 gamit ang lead isotope fingerprinting upang matukoy ang pinagmumulan ng polusyon.

Lumabas sa resulta na bagamat hindi na pangunahing pinagmumulan ang leaded gasoline, patuloy pa ring nagdudulot ng lead pollution ang industrial activities, pagsunog ng fossil fuels, at mga lumang kontaminasyon.

“While the data was collected in 2018 and 2019, the conclusions remain relevant today. This research highlights the importance of monitoring atmospheric lead to ensure that we do not undo the gains from phasing out leaded gasoline,” ayon kay Dr. Maria Obiminda L. Cambaliza.

Ayon sa pag-aaral, 45% hanggang 62% ng lead sa hangin ay mula sa industriya, habang 30% hanggang 45% ay mula sa fossil fuel combustion tulad ng diesel at kahit unleaded gasoline.

Natuklasan din na karamihan sa lead pollution ay mula sa lokal na pinanggagalingan at hindi galing sa ibang bansa, dahil hindi nagbago ang chemical signature nito kahit magpalit ang direksyon ng hangin sa iba’t ibang panahon.

Mas mataas din ang konsentrasyon ng lead sa maliliit na particle sa hangin, na mas madaling malanghap at pumasok sa katawan. Ang mga batang edad ay mas nanganganib dahil maaaring makaapekto ito sa utak, nervous system, at puso.

Binanggit din sa pag-aaral na kulang ang updated data sa blood lead levels sa Pilipinas. Ang huling pag-aaral ay noong 2003–2004 pa, kung saan 21% ng mga batang Pilipino ang may mataas na lead level sa dugo.

Dagdag pa, may ambag pa rin ang “legacy lead” mula sa lumang paggamit ng leaded gasoline na naiipon sa lupa at muling napapahalo sa hangin dahil sa trapiko at konstruksyon, bagamat mas mababa ito sa 18% ng kabuuang lead pollution.

Nanawagan ang mga mananaliksik ng mas mahigpit na monitoring, mas maayos na waste management, regulasyon sa recycling, at pagpapatibay ng emission controls ng sasakyan upang mabawasan ang exposure sa lead.

“Given that LMICs like the Philippines often lack regular monitoring of ambient Pb and human exposure, our findings make a strong case for strengthening environmental Pb surveillance,” saad sa pag-aaral.

Bagamat hindi direktang sinukat ang epekto sa kalusugan, sinabi ng mga researcher na mahalaga ang pag-aaral upang maunawaan ang patuloy na panganib ng lead pollution sa urban areas tulad ng Metro Manila. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here