Home HOME BANNER STORY Lebel ng tubig sa 5 dam patuloy na bumababa

Lebel ng tubig sa 5 dam patuloy na bumababa

MANILA, Philippines — Naitala ang pagbaba ng lebel ng tubig sa limang dam sa bansa, ayon sa state weather bureau PAGASA nitong Lunes, Abril 22.

Kabilang dito ang Angat, Ipo, La Mesa, Ambuklao, at San Roque dam.

Naitala ng Angat ang pinakamalaking pagbaba na may 0.44 metro, sinundan ng San Roque na may 0.31 metro, at La Mesa na may 0.04 metro.

Sa kabila nito, sinabi ng hydrologist ng PAGASA na si Sonia Serrano na nananatiling lampas sa minimum operational level (MOL) ang mga dam.

Ang Angat, na nagsusuplay ng 90 porsiyento ng mga pangangailangan ng Metro Manila, halimbawa, ay may lebel ng tubig na 191.29 metro. Ang MOL nito ay 180 metro.

“Hindi pa naman dapat mag-panic dahil mataas pa naman ang tubig natin sa Angat dam,” paglilinaw naman ni Serrano.

Ang Pantabangan lang ang dam na nasa ibaba ng MOL nito. Ang lebel ng tubig sa Pantabangan ay kasalukuyang 173.37 metro habang ang MOL ay 177 metro.

Samantala, hindi pa masasabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) kung magkakaroon ng water interruption sa mga susunod na araw. Santi Celario