Home NATIONWIDE Lebel ng tubig sa Angat patuloy na bumababa sa kabila ng pag-uulan

Lebel ng tubig sa Angat patuloy na bumababa sa kabila ng pag-uulan

MANILA, Philippines – Patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa kabila ng malakas na buhos ng ulan ngayong linggo sa Metro Manila at sa mga karatig na lalawigan.

Nabatid ito sa isang inspection tour sa reservoir sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa pamumuno ni Local Disaster Risk Reduction and Management Officer Ret. Col. Manuel M. Lucban Jr. at mga miyembro ng Bulacan media noong Miyerkules, Hunyo 5.

Hanggang alas-8:00 ng umaga noong Huwebes, Hunyo 6, ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay 178.13 metro sa kabila ng maikling malakas na buhos ng ulan noong Miyerkules, Hunyo 4, kung saan ang lebel ng tubig ay 178.20 metro mula sa 178.59 metro noong Martes.

Ang Angat Dam ay nagsusuplay ng 97 porsyento ng maiinom na tubig na kailangan ng Metro Manila.

Tiniyak naman ni Engineer Lawrence Nipales ng Dam’s Reservoir and Waterways Division ng National Power Corporation (Napocor) na ang downstream slope ng dam ay reinforced at titindig kahit mangyari ang 7.2 magnitude na lindol o maging ang “Big One.”

Itinuro ni Nipales na may isang pag-aaral na ginawa noong 2012 upang iwaksi ang pangamba na kung sakaling mangyari ang “Big One”, ang dam ay masira at ang napakaraming tubig ay lalabas pababa na nagdadala ng malalaking bato, pinutol na mga troso, at iba pang mga labi sa mababang lupain. na kalaunan ay mapupunta sa Manila Bay. RNT