Home NATIONWIDE Lebel ng tubig sa Angat tumaas ng 1 metro

Lebel ng tubig sa Angat tumaas ng 1 metro

Bulacan – Tumaas ng halos 1 metro ang lebel ng tubig ng Angat Dam nitong Lunes, Mayo 27, kasunod ng malakas na pag-ulan mula sa Bagyong “Aghon” nitong weekend.

Batay sa 24-hour rainfall monitoring ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hanggang alas-8 ng umaga, tumaas ang lebel ng tubig ng Angat Dam sa 179.79 metro, na mas mataas ng 93 sentimetro sa 178.86 metrong naitala noong nakaraang araw.

Gayunpaman, ang dam ay nasa 30.21 metro pa rin na kapos sa normal nitong lebel ng tubig na 212 metro at humigit-kumulang 21 sentimetro ang kulang sa minimum na antas ng pagpapatakbo nito na 180 metro.

Sinabi ng PAGASA na ang Angat Dam sa kasaysayan ay unti-unting bumabawi sa kalagitnaan ng Hulyo, sa kasagsagan ng habagat at tropikal na mga bagyo, hanggang sa huling quarter ng taon, sa panahon ng northeast monsoon o “amihan” season.

Ang iba pang mga dam na binabantayan ng PAGASA ay nakaranas din ng bahagyang pagtaas ng kanilang lebel ng tubig: Ang Ipo Dam ay tumaas sa 99.96 metro mula sa 99.86 metro; La Mesa Dam sa 75.31 metro mula 75.12 metro; Binga Dam sa 568.06 metro mula sa 566.94 metro; Pantabangan Dam sa 174.63 metro mula sa 174.5 metro; at Caliraya Dam sa 287.84 metro mula sa 286.4 metro.

Samantala, bahagyang bumaba ang lebel ng tubig ng Ambuklao Dam na 742.86 metro mula 743.28 metro), San Roque Dam (225.78 metro mula 225.8 metro), at Magat Dam (176.57 metro mula 174.5 metro). Santi Celario