Home NATIONWIDE Lebel ng tubig sa mga dam lalo pang bumaba – PAGASA

Lebel ng tubig sa mga dam lalo pang bumaba – PAGASA

MANILA, Philippines – Patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa ilang dam sa Luzon dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura habang papalapit ang tag-init.

Ayon kay PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Analiza Solis, kasalukuyang nasa 203.08 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam, o may pagbaba mula sa 203.25 metro noong Marso 10.

“Manageable pa naman…Sa ngayon po, patuloy na bumababa ito pero na-ma -manage natin ng maayos ang Angat Dam para pagkatapos ng effect ng El Nino at warm and dry season, we will be able to recover pagdating ng tag-ulan,” pahayag ni Solis sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

Ani Solis, mayroong 55 porsyentong tsansa na mararanasan naman ang La Nina phenomenon sa Hunyo hanggang Agosto, o Hulyo hanggang Setyembre ngayong taon.

Bukod sa Angat Dam, bumaba din sa 76 metro ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam, 747.70 metro sa Ambuklao Dam, Binga Dam sa 569.60 metro, San Roque Dam – 238.77 metro, Pantabangan Dam sa 182.38 metro at Magat Dam sa 172.05 metro. RNT/JGC