Home NATIONWIDE Lebel ng tubig sa mga dam sa Western Visayas tumaas sa bagyong...

Lebel ng tubig sa mga dam sa Western Visayas tumaas sa bagyong Tino

391
0

MANILA, Philippines — Tumaas ang lebel ng tubig sa ilang pangunahing dam sa Western Visayas dulot ng malakas na ulan mula sa Bagyong Tino, ayon sa National Irrigation Administration (NIA) Region VI, na patuloy na nagbabantay upang matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad at irigasyon sa rehiyon.

Batay sa ulat ng NIA dakong alas-8 ng umaga Miyerkules, Nobyembre 5, karamihan sa mga dam ay nasa warning level ngunit nananatiling kontrolado, habang ilan ay may partial opening ng sluice gates.

Sa Iloilo, tumaas sa 3.50 meters above riverbed (marb) ang lebel ng tubig sa Aganan Dam sa Brgy. Igtambo, San Miguel, na mas mataas sa normal na 2.6 marb. Umakyat din sa 3.30 marb mula sa normal na 1.8 marb ang Sta. Barbara Dam sa Brgy. Tungay, Sta. Barbara. Wala pang binuksang gate sa dalawang dam.

Sa Barotac Viejo, nakapagtala ang dam sa Brgy. Rizal ng 1.50 marb, mas mataas sa normal na 1.2 marb. Sa Leon, pumalo sa 2.81 marb ang Sibalom Diversion Dam, habang sa Mina, tumaas sa 3.20 marb ang Suague River Irrigation System Dam, na may isang gate nang binuksan upang maibsan ang presyon ng tubig.

Sa Dingle, bahagyang bumaba sa 23.60 meters above sea level (masl) ang Jalaur Dam, mula sa normal na 24 masl, kaya nananatiling normal ang operasyon, na may 12 sa 13 gates na bukas para sa water regulation.

Sa Antique, umakyat sa 3.4 marb mula 2.0 marb ang Nasuli Dam sa Brgy. Nasuli, San Remigio, at nakabukas ang tatlong gates upang magpalabas ng sobrang tubig.

Sa Capiz, lumampas sa 19.10 masl na normal level ang Mambusao River Irrigation System (RIS) sa Brgy. Sinondojan, Mambusao, matapos umabot sa 20.30 masl, bagama’t nakasara pa ang lahat ng gates.

Sa Aklan, kapwa nasa warning status ang Panakuyan RIS sa Brgy. Agdugayan, Ibajay (16.00 masl) at Aklan RIS-East sa Brgy. Sigcay, Banga (18.90 masl).

Tiniyak ng NIA na mahigpit ang koordinasyon nito sa Office of Civil Defense (OCD), Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) at mga local government units (LGUs) upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Wala pang dam na nasa critical condition, ngunit nagpapatupad na ng mga preemptive measures para sa mga nakatira sa gilid ng ilog at mabababang lugar.

Pinayuhan ng NIA ang publiko na manatiling alerto at sundin ang mga local advisories. Maaaring makipag-ugnayan sa NIA Western Visayas hotlines: 0951-1227-056 at 0956-5562-463 para sa mga ulat o koordinasyon hinggil sa pagbabago ng lebel ng tubig.

Nagdulot ng pagbaha at class at work suspensions sa ilang bahagi ng Iloilo, Capiz, at Aklan ang malalakas na ulan mula kay Tino simula pa noong Lunes. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here