Home NATIONWIDE Legalidad ng Senate subcommittee sa flood control probe, kinuwestiyon ni Sotto

Legalidad ng Senate subcommittee sa flood control probe, kinuwestiyon ni Sotto

83
0
(c) Cesar Morales

MANILA, Philippines – Kinuwestyon ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang legalidad ng planong pagbuo ng subcommittee ng Senado na muling magpapatuloy ng imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa flood control projects.

Ayon sa ulat, sinabi ni Senate President Alan Peter Cayetano na si Senador Rodante Marcoleta ang mamumuno sa subcommittee sa ilalim ng Senate Blue Ribbon Committee upang ipagpatuloy ang pagdinig sa umano’y flood control scam.

“Senator Marcoleta will issue the notices on Monday para ituloy na sa Thursday yung flood control scam hearings,” ayon kay Cayetano.

Gayunman, iginiit ni Sotto na hindi ito legal dahil hindi umano dumaan sa tamang proseso sa plenaryo ang pagbuo ng naturang subcommittee. Kinuwestyon din niya kung paanong ang mga notice para sa pagdinig ay manggagaling sa isang vice chairperson ng komite na hindi pa pormal na naoorganisa.

Sa kasalukuyan, si Senadora Pia Cayetano ang chairperson ng Blue Ribbon Committee, habang sina Marcoleta at Senador Jinggoy Estrada ang mga vice chairperson.

Samantala, sinabi ni Marcoleta na may mga indibidwal umanong natatakot sa pagpapatuloy ng imbestigasyon at may mga tangkang kontrolin ang Senado dahil sa usapin ng flood control probe.

Nauna nang sinuspinde noong Abril 15 ang pagdinig sa naturang isyu sa ilalim ng dating Blue Ribbon Committee chair na si Senador Panfilo “Ping” Lacson. Naglabas siya ng partial committee report ngunit hindi ito naaprubahan sa plenaryo dahil kulang sa kinakailangang pirma ng mga miyembro.

Tiniyak naman ng Senate President na magiging patas ang muling pagdinig at layunin nitong alamin ang buong katotohanan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here