Home NATIONWIDE ‘Lehitimong’ oposisyon welcome sa Marcos admin

‘Lehitimong’ oposisyon welcome sa Marcos admin

MANILA, Philippines- Winelcome na ng Malakanyang ang mga lehitimong oposisyon sa gobyerno subalit lalabanan umano ang magsisilbing hadlang sa administrasyon.

Sa press briefing sa Malakanyang, hiningan ng komento si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung paano maaapektuhan ang ‘legislative agenda’ ng Pangulo sa nakaumang na tagumpay ng anim na administration-backed candidates.

Ani Castro, inaasahan ng Pangulo na tutugunan ng mga nanalo sa Eleksyon 2025 ang pangangailangan ng publiko.

Winelcome din ng administrasyon ang presensya ng lehitimong oposisyon subalit pipigilan ang anumang hadlang o maninira na ang nasa isip lamang ay ang kanilang personal na kapakanan.

”Ngayon po na naboto na po ang susunod na leaders natin, umaasa ang Pangulo na ang bawat isa, ang lahat sa kanila na binoto ng sambayanan ay tutugon sa pangangailangan ng taumbayan. Ang trabaho po nila ay para sa bayan, para sa taumbayan, hindi para sa iilang interes, so anumang kulay ‘yan, wine-welcome po talaga ng Pangulo na magkaisa ang bawat leaders natin para tugunan kung anuman ang problema at mabigyang solusyon ang pangangailangan ng kababayan natin,” ang litaniya ni Castro.

”Inaasahan din po ng administrasyon ang presensya ng lehitimong oppositionist pero lalabanan po ang mga obstructionist na nagtatago sa pangalan ng oppositionist… mga obstructionist na maaaring pansarili lamang ang kanilang ilalaban,” dagdag niya.

Ang paliwanag pa ni Castro, ang lehitimong oposisyon ay nagsusulong para sa kapakanan ng mga mamamayang Pilipino habang ang “obstructionists” o mga sagabal ay hindi nakikita ang mga programa ng pamahalaan dahil ang iniisip lamang ng mga ito ay ang kanilang pansariling kapakanan.

”Pagka sinabi nating lehitimong oppositionist, ang ipinaglalaban nila ay ang bansa, ang interes ng taumbayan, hindi ang personal na interes. Obstructionist, walang gagawin kung hindi manira, walang makikitang maganda sa ginagawa ng gobyerno at ang sariling interes lamang ang gustong palaguin,” ang paliwanag ni Castro. Kris Jose