MANILA, Philippines – Hindi posible ang tambalang Naga City Mayor at dating Bise Presidente Leni Robredo at DPWH Secretay Vince Dizon para sa Presidential-Vice Presidential tandem sa 2028 National Elections.
Lumitaw ang usaping ito matapos makuhanan si DPWH Secretary Vince Dizon ng larawan kasama si Robredo at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Sabado sa paglulunsad ng DPWH Oplan Kontra Baha sa Naga City.
Ang naturang larawan ay nagdulot ng mga haka-haka ng netizens na maaaring maging magkatambal sila sa darating na halalan.
Noong 2024, sa panahon ng paghahain ng kandidatura para sa lokal na halalan, mariing itinanggi ni Robredo ang posibilidad na tumakbo bilang pangulo, na sinasabing nais niyang magpokus sa Naga City.
Tumakbo si Robredo laban kay Marcos noong 2022 elections, ngunit simula noon ay wala pa siyang pahayag na muling tatakbo.
Sa ngayon, si Vice President Sara Duterte pa lamang ang nagdeklara na tatakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections.
Sinabi naman ni Senadora Risa Hontiveros na ang nagkakaisang oposisyon ay nasa proseso pa ng pagbuo ng timeline para magpangalan ng kanilang presidential bet.
Noong Mayo 2025, sinabi ni Hontiveros na bukas siya sa posibilidad na maging standard-bearer ng oposisyon. Jocelyn Tabagcura-Domenden