MANILA, Philippines – Ginawang pansamantalang ward ng National Kidney and Transplant Institute sa Quezon City ang kanilang gym at wellness center dahil sa pagdami ng mga pasyenteng may leptospirosis. Umabot na sa higit 100 ang nasa emergency room, lagpas sa kapasidad na 64 pasyente.
Ayon sa NKTI, 50 ang kabuuang bilang ng leptospirosis patients sa ospital, apat sa kanila ang namatay. Mahigit 20 ang kasalukuyang ginagamot sa gym. Karamihan sa mga kaso ay may kidney failure, at ilan ay may problema rin sa baga.
“Yung ibang pasyente po nagkakaroon ng dugo sa kanilang baga… Kapag in-x-ray natin sila, yung lungs nila, puting-puti na,” ayon kay Romina Danguilan, Deputy Executive Director for Medical Services ng NKTI.
Puno na rin ang emergency room ng Ospital ng Maynila dahil sa leptospirosis cases. Ayon sa Department of Health, may 15 pampubliko at GOCC hospitals na handang tumanggap pa ng pasyente.
Mula Hulyo 13 hanggang Agosto 6, nakapagtala ang Department of Health ng 1,272 kaso ng leptospirosis sa buong bansa—mas mababa ng 45 porsyento kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Nilinaw ni Department of Health spokesperson Albert Domingo na hindi konektado ang pagdami ng kaso sa “Zero Balance Billing” policy. “Ito na talaga yung panahon na inaasahan natin,” aniya, dahil sa mga pag-ulang naganap malapit sa panahon ng State of the Nation Address.
Paalala ng Department of Health sa publiko: magsuot ng bota sa paglusong sa baha, agad na maghugas, maligo, at uminom ng gamot laban sa leptospirosis sa loob ng 24 oras pagkatapos ng exposure. Santi Celario