MANILA, Philippines – Ibinunyag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste na ang orihinal na Department of Public Works and Highways (DPWH) budget na isinumite ng ehekutibo ay may mas mababang alokasyon para sa mga probinsiyang may mas malaking populasyon, kumpara sa mas maliliit na rehiyon na nakatanggap ng mas malaking pondo.
Ayon kay Leviste, sa kanyang pagsusuri ng National Expenditure Program (NEP), ilang rehiyon na may mas kaunting populasyon ay nakatanggap ng mas malaking pondo.
Binanggit ng mambabatas ang halimbawa ng Western Visayas, na nakatanggap lamang ng ₱16.37 bilyon kahit may populasyon itong 4.86 milyon, samantalang ang Cordillera Administrative Region (CAR) na may 1.81 milyong residente ay binigyan ng ₱17 bilyon.
Dahil dito, iminungkahi ni Leviste na maaaring mas mainam kung ang pondo ng DPWH ay direktang ibigay sa local government units (LGUs) batay sa patas na pormula ng National Tax Allotment (NTA) — 50% populasyon, 25% lawak ng lupa, at 25% pantay na hatian.
“Given the smaller DPWH budget for certain regions compared to their much bigger contribution to national taxes, they would be better off if the DPWH budget were instead given to local governments equitably,” ani Leviste.
Dagdag niya, ang mga rehiyon na may malaking ambag sa ekonomiya tulad ng Central Luzon, Calabarzon, NCR, at Ilocos Region, na bumubuo ng 41% ng populasyon at 60% ng ekonomiya ng bansa ay nakatanggap lamang ng 25% ng DPWH budget.
Muling binigyang-diin ni Leviste ang kakulangan ng pondo para sa Calabarzon, dahilan kaya bumoto siya laban sa bersyon ng House ng General Appropriations Bill (GAB).
Giit niya, maaaring bawasan ng 25% ang presyo ng mga proyekto kung aalisin ang tinatayang ₱150 bilyong kickbacks at ilalaan ito sa mga silid-aralan at kulang na pondo sa rehiyon.
Nanawagan din si Leviste na unahin ang vertical projects gaya ng pagtatayo ng mga silid-aralan kaysa sa horizontal projects tulad ng flood control at asphalt overlay, na umano’y mas madali umanong gamitan ng katiwalian.
“The reason there’s a classroom shortage is because there are almost no kickbacks in classrooms,” aniya.
“It is easier to do substandard work on the thickness of an asphalt project than on a three-story classroom building.”
Hindi ito ang unang beses na binatikos ni Leviste ang DPWH.
Noong Oktubre 8, sinabi niya na bagama’t naniniwala siya sa reporma ni Public Works Secretary Vince Dizon, nananatiling may sistemikong problema sa ahensya, kaya’t pagbawas ng pondo ang isa sa mga paraan upang mapigilan ang korapsyon.
Noong mga nakaraang buwan, iminungkahi rin ni Leviste na ang bawas sa DPWH budget ay maaaring ilipat sa college scholarships sa ilalim ng CHED Tulong Dunong Program.
Sa huli, binawasan ng ₱255.5 bilyon ang resubmitted DPWH budget, at inilipat ang bahagi nito sa social aid, health programs, at higher education.
Noong unang bahagi ng Oktubre, hiniling ni Leviste sa DPWH na ilabas ang detalyadong breakdown ng pondo kada distrito para sa 2026 budget upang masiguro ang transparency at anti-corruption measures. RNT/JGC