MANILA, Philippines – Hindi kinakailangang magpalit ang mga motorista sa bagong inilunsad na “One RFID, All Tollways” system, paglilinaw ng Department of Transportation (DOTr) nitong Miyerkules, Oktubre 22.
Ayon kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez, pwede pa rin ang kasalukuyang setup na dalawa ang RFID pero kung gusto namang subukan ang One RFID,All Tiilways ay pede rin aniya.
Matapos ang walong taong pagbabago, ang One RFID system ay pormal nang inilunsad nitong Martes at ngayon ay pinahihintulutan ang mga motorista na gumamit ng single RFID, ang AutoSweep o EasyTrip sa lahat ng expresways sa Luzon.
Sinabi ni Lopez na naging posible ang pagsasama-sama matapos na i-upgrade ng mga toll concessionaire ang kanilng mga sistema upang makamit ang ganap na interoperability.
Hinikayat ni Lopez ang mga driver na gamitin ang rollout na ito bilang isang pagkakataon upang palitan ang mga sira na RFID stickers na kadalasang dahilan kung bakit hindi natutuklasan ng mga scanner ang mga sasakyan.
Ilalagay aniya sa loob ng windshield ang bagong sticker upang lalong protektado.
Magsisimula ang implementasyon sa programa ngayong linggo.
Kinumpirma rin ni Lopez na pinangunahan ng DOTr ang pagsusuri sa halos P2 bilyong halaga ng Land Transportation Office (LTO) projects na nauugnay sa kumpanya ni dating Congressman Zaldy Co.
Samantala, sinimulan na rin ng DOTR ang maagang inspeksyon sa mga bus terminal at transport hubs ilang araw bago ang paggunita ng Undas at long weekend upang masiguro ang kaligtasan at kapanatagan ng mga pasahero. Jocelyn Tabangcura-Domenden