Home METRO Libo-libong claimant ng ‘tagong yaman’ dumagsa sa BSP

Libo-libong claimant ng ‘tagong yaman’ dumagsa sa BSP

MANILA, Philippines – Libu-libong mga claimant ng umano’y tagong yaman ang dumagsa sa harapan ng Bangko Sentral ng Pilipinas nitong Miyerkules ng umaga, Mayo 8.

Ayon sa kanilang lider na si Novel Prince Gilbert Salvador, kailangan nang ipamigay ang kayamanan dahil fully matured na ito, simula pa noong 2016 na sila ay unang nagtungo sa Bangko Sentral ng Pilipinas.

Sa loob aniya ng walong taon na lumipas, sila ay naglakbay patungong Maynila upang malaman ng taong bayan na mayroong batas na kailangang ipairal at ipatupad at ito aniya ay ang Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas–ang 1987 Philippine Constitution.

Paliwanag ni Salvador, dala nila ang sertipikasyon na inisyu ng Treasury department ng BSP noong 2005 na nagpapatunay na mayroon silang kayamanan.

Dapat aniya na ipamahagi na ng pamahalaan ang mga kayamanan ito.

“Tayo, bilang taumbayan na nakakaalam, dapat ipaalam ito sa publiko—iparating,” ayon pa kay Salvador.

Napag-alaman na ang mga claimant ay bumiyahe pa mula sa ibat-ibang probinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon kay Salvador, humigit-kumulang 4,000 claimant ang matiyagang bumiyahe mula sa kani-kanilang probinsya sa pag-asang makukuha at mapapakinabangan nila ang sinasabing tagong yaman.

Todo-bantay naman ang mga kapulisan ng Manila Police District upang mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko sa lugar na halos naukopahan na ng mga claimant.

Karamihan sa kanila ay mga senior citizens. Jocelyn Tabangcura-Domenden