MANILA, Philippines – Ililikas ng Pilipinas ang nasa 11,000 mamamayan nito mula Lebanon sa oras na tumawid ng border ang Israeli forces para maglunsad ng ground offensive laban sa Hezbollah.
Matatandaang mas tumindi ang mga opensiba ng Israel laban sa Iran-backed Hezbollah sa Lebanon na nagresulta sa pagkasawi ng daan-daang katao ngayong linggo.
Tinanggihan ng Israel ang panawagan ng US na 21 araw na ceasefire.
“A ground invasion will lead to mandatory repatriation,” sinabi ni Foreign Undersecretary Eduardo de Vega sa press conference sa Manila.
Wala pang kumpletong detalye patungkol dito.
Bago rito ay nanawagan na ang pamahalaan sa mga Filipino sa Lebanon na umalis na bago pa ihinto ang mga biyahe ng eroplano papasok at palabas ng Beirut na hindi naman pinakinggan ng karamihan.
“To some of them, getting killed in war is preferable to starving to death,” ani de Vega.
Sa ngayon ay wala pang naitatalang nasawing Pinoy sa pag-atake ng Israel sa Lebanon.
Dagdag pa, nasa 500 Filipino lamang ang tumanggap ng alok ng pamahalaan na umalis na sa Lebanon.
Ayon kay Filipino ambassador to Beirut Raymond Balatbat, 196 Filipino ang lumipad paalis ng southern Lebanon, kung saan ngayon nakatutok ang Israel.
Karamihan sa mga Pinoy na nagtatrabaho sa bansa ay nasa central Lebanon partikular na ang Beirut. RNT/JGC