Home NATIONWIDE Libo-libong trabaho naghihintay sa mga Pinoy sa Israel ‘pag humupa na ang...

Libo-libong trabaho naghihintay sa mga Pinoy sa Israel ‘pag humupa na ang kaguluhan

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Embassy of Israel sa Pilipinas na libo-libong trabaho ang magbubukas para sa mga dayuhang manggagawa bunsod na rin ng pag-alis ng migrant workers sa Tel Aviv dahil sa nagpapatuloy na labanan ng Israel at Hamas.

Gayunman, sinabi ni Israeli Ambassador to the Philippines Ilan Fluss na ang deployment ng mga Filipino worker ay depende sa gobyerno ng Pilipinas, kung saan inilagay ang Israel sa ilalim ng Alert Level 2.

“We’re seeking globally to bring more workers for Israel. And we are offering the same thing also to the Philippines. But it depends on the Philippine government,” ayon kay Fluss sa isang panayam.

Oktubre 11 ng nakaraang taon nang ilagay ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Israel sa ilalim ng Alert Level 2 na naghigpit sa deployment ng mga Filipino worker doon.

Sinabi pa ni Fluss na mas pinili ng Israelis ang mga Filipino worker bilang kanilang caregivers dahil magaling sa English ang mga Filipino at itinuturing na “the kindest people in the world.”

“The sentiment is even stronger. Meaning, even before October 7, Israelis prefer to have as caregivers Filipinos. Israelis very much like Filipinos, you know, English-speaking. Filipinos are the kindest people in the world,” aniya pa rin.

Maliban sa caregivers, ang iba pang trabaho na inaalok ng Israel ay sa hotel, agriculture, at construction industries.

Habang nais ng Pilipinas na manatili sa bansa ang labor force nito, sinabi naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang 20,000 available jobs sa Israel ay malaking tulong para sa mga Filipino.

“Any additional job, especially nabanggit mo [na] 20,000, malaking bahagi iyan na ika nga ay makakaluwag doon po sa mga kababayan natin,” wika niya.

Dahil sa naturang giyera na nagsimula noong Oktubre 7, 2023, tinuran ng Israeli government na may 10,000 foreign workers ang umalis ng Israel.

Gayundin, may 20,000 Palestinians mula Gaza at West Bank ang pinagbabawalan na magtrabaho sa Israel sa gitna ng giyera. Kris Jose