MANILA, Philippines – Nangako si dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan na ipakikilala nito sa Senado ang isang panukala na magbibigay ng libreng almusal sa mga estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 12.
Ito ang inanunsyo ni Pangilinan sa pagbisita nito sa Cebu nitong Huwebes, Abril 10.
Inihayag ni Pangilinan ang mga nagpapatuloy na krisis sa education sector na pinatindi ng kahirapan, at nagdulot ng malawakang gutom at malnutrisyon sa mga estudyante.
Ang tinutukoy niya ay ang pag-aaral na nagpapakita na ang mga paaralan na mayroong pre-meal programs ay may mababang dropout rate kumpara sa mga paaralan na walang ganitong programa.
Ipinaliwanag ni Pangilinan na, “And it turns out up to almost 30% less yung dropouts in schools that have pre-meals and school meal programs.”
Ipinunto rin nito na ang mga paaralan na may meal program ay may magandang test scores ang mga estudyante, na aniya, ay may direktang epekto sa academic performance ng mga ito.
“Which means, there is a direct impact. There is a direct relationship of hunger in the quantity of learning, as well as the dropout rates,” dagdag niya.
Dahil dito ay nagbigay ng suhestyon si Pangilinan na ipatupad ang iba’t ibang feeding programs sa pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of the Interior and Local Government (DILG), the Department of Social Welfare and Development (DSWD), at local government units (LGUs).
Nanawagan din ito ng paglikha ng streamlined national policies para epektibong matugunan ang mga isyung ito.
Bilang bahagi ng proposal, ipinakilala ni Pangilinan ang “Libreng Almusal” Bill na layong pagbutihin ang kapakanan at edukasyon ng mga bata sa bansa.
Aniya, hindi lamang ang mga estudyante ang makikinabang dito kundi maging ang mga lokal na magsasaka at mangingisda.
“And when you buy directly from farmers and fisherfolks, it has to be good quality. And of course, farmers would earn because of added income. The government will choose, not the middleman who makes the money,” paliwanag ni Pangilinan. RNT/JGC