MANILA, Philippines — Magkakaroon ng libreng sakay sa mga piling modern jeepney routes sa Metro Manila mula Nobyembre 5 hanggang 14 bilang bahagi ng paghahanda para sa 49th ASEAN Summit and Related Meetings.
Ayon sa Department of Tourism (DOT), katuwang ang Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng 10-araw na libreng sakay.
Kabuuang 30 modern jeepneys ang ide-deploy sa dalawang pangunahing ruta.
Labinlimang unit ang ilalaan sa SM Fairview-Buendia route, habang 15 naman ang bibiyahe sa Sucat-Baclaran route.
Operasyonal ang dalawang ruta araw-araw mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-10 ng gabi.
Magkakaroon ng walong one-way trips sa North Route, habang 10 one-way trips naman sa South Route.
Lalagyan din ang mga modern jeepney ng mga larawan ng iconic tourist attractions sa Pilipinas bilang bahagi ng tourism promotion ng bansa.
Ang libreng sakay ay inilunsad bago ang 49th ASEAN Summit and Related Meetings na iho-host ng Pilipinas ngayong Nobyembre.
Nauna nang idineklara ng Malacañang ang Nobyembre 16 hanggang 18 bilang special non-working days kaugnay ng ASEAN Summit.
Gaganapin ang mga pangunahing aktibidad ng summit sa Philippine International Convention Center sa Pasay City. RNT