MANILA, Philippines- Ibinasura ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kahilingan ng NOW Telecom Company Inc. na palawigin ang kapangyarihan nito na mag-operate ng isang nationwide mobile telecommunications system.
Dahil dito, idineklara ng NTC na ang provisional authority ng NOW Telecom ay “inoperative.”
Sa unanimous decision nito, nagpasya ang NTC na ang NOW Telecom ay nabigo na sumunod sa mahalagang regulatory at operational requirements, kabilang na ang pag- rollout ng imprastraktura, ilang matinding underutilization ng spectrum, at mahigit na P3.57 billion unpaid regulatory fees.
“[NOW Telecom’s] provisional authority to install, operate and maintain a nationwide mobile telecommunications system, offer services and to charge rates therefor, with the clarification that said authority is not specific to 3G is hereby deemed inoperative in view of its expiration/non-extension of its provisional authority,” ang sinabi ng NTC sa naging kautusan nito.
Ayon sa NTC, anim lamang ang base stations na naitayo ng NOW Telecom samantalang nangako itong magtatayo ng 2,306 base stations noon pang 2017.
Sinasabing anim lang ang itinayo at puro pa sa Metro Manila ang mga ito kung saan ay hindi pa ginamit ang mga frequency na naka-assign dito.
Dahil dito, inutusan ng NTC na magdagdag ng P1.9 bilyong puhunan ang kompanya noong 2020 na tila binalewala rin nito.
Winika ng NTC na mahigit P3.57 bilyon na ang utang ng kompanya sa komisyon, P1.33 bilyon ang principal at umabot na sa P2.24 bilyon ang penalties sapagkat hindi ito nagbabayad. Kris Jose