Home METRO Lider ng NPA sa Eastern Visayas arestado

Lider ng NPA sa Eastern Visayas arestado

CONSOLACION, Cebu- ARESTADO ang tinaguriang pangalawa sa pinakamataas na pinuno ng New People’s Army (NPA) sa Eastern Visayas sa inilatag na joint inter-agency operation ng tropa ng pamahalaan noong sa Barangay Pitogo ,Lunes sa bayang ito.

Sa bisa ng warrant of arrest sa kasong kidnapping with serious illegal detention, robbery with violence against or intimidation of person na ipinalabas ni Judge Fernando Fudalan Jr. ng Branch 7, Regional Trial Court, Bayugan City, Agusan Del Sur, nadakip ang suspek na kinilalang si Romulo Micabalo, alyas Ned.

Ayon sa report ng 8th Infantry Division, Philippine Army, si Macabalo ay isang notoryus na lider ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC) na nakabase sa Catbalogan Samar at responsable sa mga pag-atake sa mga sibilyan at sundalo.

Dagdag pa ng militar, si Macabalo rin ang nangunguna sa pagsunog ng mga heavy equipments na ginagamit sa Jipapad – Las Navas, Barangay Quirino, Barangay San Francisco, Las Navas, Northern Samar noong Hulyo 29, 2021 at sunod na tinambangan ang mga sundalo at 3 kasapi ng CAFGU sa Barangay 4, Jipapad, Eastern Samar.

Kasama rin si Macabalo sa pag-atake sa mga sundalo na nagsasagawa ng Community Support Program Team para sa pagbibigay ng seguridad sa pagpapatayo ng school building sa Barangay Dorillo, Jipapad, Eastern Samar noong Oktubre 7, 2022 na ikinasugat ng 10-anyos na bata.

Sinabi pa ng militar na dating miyembro din si Macabalo ng Regional Sentro De Gravidad – Compaq ng North Central Mindanao Regional Party Committee (NCMRC) na nag-ooperate sa Northern Mindanao./Mary Anne Sapico