Home NATIONWIDE Lifestyle check ng BIR sa mga opisyal ng gobyerno, nagpapatuloy — Malacañang

Lifestyle check ng BIR sa mga opisyal ng gobyerno, nagpapatuloy — Malacañang

266
0

MANILA, Philippines – Nagpapatuloy ang ginagawang lifestyle checks ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga opisyal ng gobyerno.

Ikinasa ng BIR ang lifestyle check matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pag-audit bilang tugon sa diumano’y anomalya sa flood control spending.

Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na sinimulan nang isagawa ng BIR ang direktiba ng Pangulo.

“Inutos na po sa BIR at ngayon po ay ongoing po ang ginagawa pong lifestyle check,” ang sinabi ni Castro.

Hindi naman makapagbigay si Castro ng timeline kung kailan ipalalabas ang initial findings.

Matatandaang noong buwan ng Agosto, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lifestyle check sa lahat ng opisyal ng gobyerno sa gitna ng kontrobersiya sa flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ipinag-utos din ng Pangulo ang tuluy-tuloy na pagsusuri sa mga rekord ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng mga maanomalyang proyekto ng ahensya.

Tuluy-tuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng mga proyektong dapat sana ay makatutulong sa solusyon sa malawakang pagbaha sa bansa.

Samantala, mahigit 19,000 na ang entry o natanggap na reklamo sa Sumbong sa Pangulo website.

Hindi masabi ni Castro kung ilang opisyal ang kasalukuyang nasa ilalim ng financial scrutiny o kung ang mga kontratista ay kasama sa audit. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here