Home NATIONWIDE ‘Lifestyle check’ sa DPWH officials, ipinanawagan ng kongresista kay PBBM

‘Lifestyle check’ sa DPWH officials, ipinanawagan ng kongresista kay PBBM

267
0

MANILA, Philippines – Hinamon ng kongresista si Pangulong Ferdinand Marcos na ipag-utos ang Lifestyle Check, SALN Audit at imbestigasyon sa mga Bank Account ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ayon kay Kamanggagawa Partylist Rep Eli San Fernando ay bilang tugon  aniya sa mismong kampanya ng pangulo laban sa korapsyon at kabilang sa pagsugpo sa korapsyon ay ang pagkilos na isailalim sa lifestyle check, SALN audit at pagsilip sa mga bank account ng DPWH regional directors at district engineers sa buong bansa matapos lumutang ang mga bigo at palpak na flood control projects sa iba’t ibang panig ng bansa.

“Kung seryoso talaga ang administrasyong Marcos na may mapanagot sa mga palpak na flood control projects, ipag-utos niya ito. Walang gustong umamin sa kalokohan sa flood control at infra projects, e di paaminin natin. Sumailalim sa lifestyle check, SALN audit, at pagsusuri ng bank accounts lahat ng regional directors at district engineers ng DPWH,” giit pa ni San Fernando.

Aniya, kapag nalantad ang mga sangkot sa mga tiwaling proyekto ay malalantag din kung sinu-sino ang mga nagbibigay proteksyon sa mga ito.

“Kung talagang malinis, wala silang dapat ikatakot. Pero kung totoo ang alegasyon, dapat ilantad at panagutin. Kapag nakita natin sino ang mga tiwaling opisyal na ito, mas magiging madali para sa gobyerno na hanapin ang mga kasabwat nila: maging congressman, senador o sino mang makapangyarihang tao ang pumoprotekta sa kanila.”

Sinabi pa ni San Fernando na ang pangulo ay may kapangyarihan sa gobyerno at ang sambahayang Pilipino ay naghihintay lamang sa kaniyang susunod na magiging aksyon ukol sa mga katiwaliang nabanggit sa DPWH.

“Mr. President, todohan mo na. Napadala nga ng gobyerno si Duterte sa ICC at natunton si Quiboloy kahit nagtatago sa ilalim ng lupa. Pero itong mga opisyal na hayagang nangungurakot ng flood control funds, hindi pa rin mahuli at mapanagot? You have the entire government machinery at your disposal. Use it to clean up DPWH. Show the people you are willing to take on the system, not just your enemies,” ani San Fernando.

Binigyang diin pa ng kongresista na tatlong linggo na ang nakararaan mula nang ipangalandakan ni Pangulong Marcos ang imbestigasyon sa mga palpak na flood control projects ngunit pawang mga listahan lamang ng mga kontraktor at nakikita ng taumbayan at wala pang mga hakbang bukod dito.

“Hindi ito sapat. Kung seryoso ang gobyerno laban sa korapsyon, hindi lang dapat puro ocular inspection at papogi sa media. Kailangan makita ng taumbayan ang aktwal na pananagot ng mga opisyal ng DPWH at ng kanilang mga kasabwat na lumalangoy sa pera habang nilulubog ang bayan sa baha. Accountability must not drown in excuses while our communities drown in floods. Mr. President, naghihintay ang taumbayan.” (Meliza Maluntag)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here