
ISANG babaeng turista na Slovak ang natagpuang patay at halos naaagnas na sa isang abandonadong kapilya sa sikat na resort island sa buong mundo – ang Boracay Island noong Miyerkules.
Ang 23-anyos na si Michaela Mickova ay natagpuang walang saplot pang-ibaba at may saksak sa tiyan.
Hinihinala na bago pinatay ay ginahasa pa ang babaeng turista.
Dumating sa Boracay noong Marso 1 si Michaela para dumalo sa kasal ng isang kaibigang Pilipino. Iniulat siyang nawawala noong Lunes, dalawang araw bago siya natagpuang patay na.
Kung paano nangyari ang krimen sa isang lugar na itinuturing na puntahan ng milyon-milyong turista ay nakadidismaya at nakapangangamba.
Bilang isa sa nangungunang destinasyon ng mga turista sa bansa, dapat ay pinakaligtas ang Boracay.
Ito dapat ang may pinakamabisang mga tauhan ng pulisya sa usapin ng pagbabantay o pagbibigay seguridad sa mga manlalakbay.
Kung isasaalang-alang ang liit ng isla, hindi dapat tumagal nang dalawang araw bago natagpuan si Michaela. Maliban na lang kung hindi agad nai-report sa mga awtoridad ang kanyang pagkawala. Maliban na lang kung plinano ang krimen o ikinubli sa pulisya kaya natagalan ang paghahanap sa kanya.
Hindi lang pulisya, dapat ay aktibo rin ang mga tauhan ng barangay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa isla na itinuturing na pinakamagandang destinasyon sa paglalakbay sa mundo.
Ang ekonomiya ng Boracay ay umaasa sa turismo. Prayoridad nga ba talaga ng lokal na pamahalaan ng Aklan, partikular ng bayan ng Malay, ang kaligtasan ng mga turista?
Hindi kaya masyado na silang nakatutok sa pagkamal ng kita sa maraming negosyo o bayarin dito habang napababayaan ang seguridad ng mga manlalakbay?
Dapat isipin na ang mga alalahanin hinggil sa personal na kaligtasan ng bawat-isa ay hindi dapat maging dagdag sa listahan ng mga palpak na serbisyo para sa mga nag-iisip na bumisita sa Pilipinas.
Maraming lugar sa paglalakbay na maipagmamalaki ang Pilipinas dahil sa mga kahanga-hanga nitong tanawin.
Ngunit sapat na ba ito kung may mga problemang madadatnan ang mga dayuhang manlalakbay, gaya ng masamang lagay sa ating mga paliparan, masasamang sitwasyon sa mga imprastraktura, tiwaling mga tauhan sa airport, immigration, at ang higit sa lahat ay ang personal nilang seguridad?
Walang dudang isa sa pinakamagandang destinasyon sa paglalakbay ang Boracay, ngunit kung hindi naman kayang tiyakin ng mga kinauukulan ang kaligtasan sa lugar ay papangit ito sa mata ng mga dayuhan sa buong mundo.
Ang karumal-dumal na krimen na nangyari kay Michaela ay paalala na rin sa iba pang nangungunang destinasyon sa buong bansa tungkol sa kahalagahan ng pagpapanatili ng kaayusan, katahimikan at seguridad, kapwa ng mga Pilipino o dayuhang turista.