Home OPINION WALA SANANG KINALAMAN SI UNCLE SAM

WALA SANANG KINALAMAN SI UNCLE SAM

HALOS kaladkarin patungong The Hague, Netherlands ng mga miyembro ng Philippine National Police si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang maiharap sa International Criminal Court kaugnay sa kasong naisampa rito kaugnay sa kanyang kampanya sa “war on drugs” kung saan sinasabing napakaraming inosente ang nadamay.

Hindi binigyan ng pagkakataon ang dating Pangulo na harapin dito sa mismong korte sa Pilipinas ang mga kasong isinampa laban sa kanya kaugnay sa umano’y paglabag nito sa karapatang pantao dahil sa pagkapaslang sa mga drug suspect na itinuturing na salot sa lipunan.

Naging mabilis ang kilos ng pamahalaan kung saan ora-orada ang kanilang ginawang pag-aresto kay Duterte bagaman wala pang hawak man lang mandamiento de aresto o warrant of arrest.

Hindi man lang binigyan ng pagkakataon si FPRRD na makapag-impake at magdala ng ilang personal na gamit sa kanyang pagtungo sa Netherlands. Mabuti na lang maraming nagmamahal sa itinuturing na mapagmahal na Pangulo kaya may ilang kababayan na nagbigay sa kanya ng jacket at iba pang kailangang personal.

Ngayon, marami ang nagtataka at nagtatanong kung bakit mabilis ang ginawang pagpatapon sa ibang bansa sa dating Pangulo na dapat sana bilang kapwa Pilipino ay prinotektahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Naghihinala tuloy ang marami na bagaman ipinagbabanduhan ni United States President Donald Trump ang kanyang hayagang pag-ayaw sa ICC, mukhang may kinalaman pa rin ang US sa kaagad na pag-aresto at paglipad sa Netherlands sa dating Pangulo.

Posibleng galit si Trump kay Duterte dahil hindi niya nagawa ang nagawa nito —labanan ang droga, at dahil mas naging mas sikat ang dating Pangulo kaysa kanya. Pero hindi ang mga ito ang totoong dahilan. Ang dahilan ay ang kanilang political interest sa bansa. Kapag Duterte kasi muli ang magiging pangulo, hindi na nila mahahawakan ang Pilipinas at tiyak na mauungusan na sila ng China sa usapin ng “strategical position.”

Sana nga, walang kinalaman si Uncle Sam sa mabilis na desisyon ng pamahalaan na damputin at mabilis na ihagis sa ibang bansa si Duterte. Dahil tiyak na marami pa rin ang aalma sa ginawa kay FPRRD.