Home OPINION BUMAGSAK NA TULAY SA ISABELA, SINONG MANANAGOT?

BUMAGSAK NA TULAY SA ISABELA, SINONG MANANAGOT?

SINIMULAN na ang pag-imbestiga ng Senado sa bumagsak na tulay sa Sta. Maria-Cabagan, Isabela.

Saan kaya hahantong ito?

May nagsasabing dapat managot ang pinuno ng Department of Public Works and Highways.

Pero sino sa tatlong kalihim ng DPWH ng tatlong administrasyon mula kina dating Pangulong Noynoy Aquino at Digong Duterte hanggang kay Pang. Bongbong Marcos ang mananagot?

2014 kasi nang simulang gawin ang tulay at panahon iyon ni Aquino, kinumpleto ni Duterte at ni-repair ni Bongbong.

Biglang tumahimik ang lahat nang basta na lang sabihin ni Pang. Bongbong na disensyo ang may sala.

Ngunit kinontra ito ni Engineer Alberto CaƱete na nagsabing kung mali ang disensyo, dapat sa unang span pa lang, bumagsak na ang sahig ng tulay, siyempre pati ng mga bakal na ipinambitin sa sahig at arko ng tulay na roon nakakabit ang bakal.

Isa pa umano, dinisensyo ang tulay ayon sa Bridge Code of the Philippines o batas noong 1977 at pinalakas ito nang umiral naman ang bagong batas noong 2015.

At walang problema sa tulay dahil naayon umano sa bagong batas na nagtatakda sa 45 tonelada na bigat ang kayang balikatin nito ngunit linabag umano ito ng trak na may kabuuang bigat na 102 tonelada.

Sa madaling salita, mga brad, ang overloaded na truck ang may sala?

Bukod sa mga sinasabi sa itaas na mga dahilan, wala na kayang problemang iba?

Wala kayang halong korapsyon o pandarambong sa paggawa sa nasabing tulay?

Baka naman kalahati lang ng buong badyet na P1.2 bilyon, eh, ibinulsa ng mga may bulsa?

Dapat silipin ang anggulong ito, kasama ang pag-repair na may bagong badyet, uri ng mga bakal na ginamit, timpla ng semento at iba pa.

Ang lalalabas dito ay kung substandard o marupok o de-kalidad o matibay ang tulay.

Akalain mo, isang linggo pa lang na binuksan ang tulay, may bumagsak nang bahagi.