Home OPINION MGA PINOY HINDI MAIWASANG MAHATI

MGA PINOY HINDI MAIWASANG MAHATI

LUMIKHA talaga ng pagkahati-hati sa ating mga kababayan sa loob at labas ng bansa ang pag-aresto kay ex. Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte.

Sa The Hague, Netherlands na roon ikinulong at sinimulang litisin ang kasong “crime against humanity” ni Digong, hindi lang ang mga grupong anti-Digong ang nagtitipon-tipon at nagra-rally kundi maging ang mga pro-Digong din.

Habang isinisigaw ng mga anti-Digong ang pagpapanagot nito sa mga sinasabing biktima ng war on drugs, isinisigaw naman ng mga pro-Digong ang pagbabago sa bansa na kanilang naranasan sa ilalim ng pamamahala nito, kasama ang giyera sa droga.

BAKIT 43 KASO LANG?

Sa Pilipinas, matagal nang inaaya ng pamahalaan ang lahat ng “libo-libong biktima” na magsampa ng kaso sa pulisya o piskalya.

Ngunit lumilitaw na kakaunti ang nagsasampa ng kaso at pinaburan sila ng ating mga hukuman, gaya ng sa kaso ni Kian delos Santos na roon hinatulan ni Caloocan Judge Rodolfo Azucena ang tatlong pulis ng pagkabilanggong 20-40 taon at pagbibigay ng danyos sa pamilya nito.

Hinatulan ding nagkasala sa homicide ni Caloocan Judge Ma. Rowena Violago Alejandria ang apat na pulis at iniutos ang pagkulong sa mga ito ng 6-10 taon at pagbayad ng P400,000 danyos sa mag-amang Luis at Gabriel Bonifacio.

Hinatulang din ni Navotas Judge Romana Lindayag del Rosario ang isang pulis sa pagpatay kina Carl Angelo Arnaiz, 19, Reynaldo De Guzman, 14 at ipinabilanggo ito ng 20-40 taon.

Naunang hinatulan ni Caloocan Judge Rodrigo Pascua Jr., ang nasabing pulis pag-torture at pagtatanim ng ebidensya kina Arnaiz na may parusang 20-40 taon ding pagkakulong.

Tanong lang: Bakit kaya hanggang ngayong tinitipa natin ito, 43 lang na kaso ang nakasampa sa ICC at hindi libo-libo?

At pinagsama pa ang mga kaso noong mayor pa lang si Digong sa Davao City at noong naging Pangulo ito ng Pilipinas.

AMINADO KAYA HINDI NAGSAMPA NG KASO

Ayon naman sa ating Uzi, marami sa mga kaso ang hindi ipinaaabot sa pulisya, piskalya at hukuman hindi dahil sa mahirap kumalap ng ebidensya o kaya’y takot kundi dahil sa aminado ang mga pamilya sa mga pinaggagawa ng mga napatay kaugnay sa droga.

May mga pinatay dahil nang-rape at pumatay sila ng mga biktima habang sabog sa droga.

May pinatay ring kilalang mga tulak at druglord dahil pumapatay sila ng mga abodado, piskal at huwes na humahawak ng kanilang kaso.

May mga sangkot din sa talamak na holdapan, akyat-bahay, motorcyclenapping na may kasamang pagpatay rin ngunit tulak ng droga ang mga ito.

May mga pinatay ring mga opisyal ng gobyerno na kilalang sangkot sa droga at pumapatay sa mga taong gobyerno gaya ng mga pulis, piskal at huwes na humahawak sa kanilang mga kaso.

Sa huli lumutang na halos dalawang milyon na pala ang adik sa Pinas na siyang may dahilan ng 70 porsyento ng mga krimen sa Pilipinas…at nagsisibalikang maglipana ang droga ngayon.

Sa obserbasyon ng ating Uzi, sa mga pinagsama-samang magkaibang mga pangyayari at karanasan ang pinag-uugatan ng pagmamahal o pagkondena kay Digong.

Sino kaya ang mamamayani bukas?