Home OPINION MAKATARUNGANG PASAHE, MAKATWIRANG KABUHAYAN

MAKATARUNGANG PASAHE, MAKATWIRANG KABUHAYAN

1
0

MULING haharap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mabigat na tungkulin ng pagdedesisyon sa mga petisyon para sa taas-pasahe sa pampublikong transportasyon. Hindi ito simpleng usapin ng dagdag na pamasahe. Ito ay paghahanap ng balanse sa pagitan ng karapatan ng mananakay at ng karapatan ng mga transport operators at drivers na magkaroon ng disenteng kabuhayan.

Bilang paninindigan, hindi tutol ang Lawyers for Commuters Safety and Protection sa isang makatwiran at pansamantalang pagtaas ng pasahe kung mapatutunayang kinakailangan ito batay sa umiiral na batas, datos, at aktuwal na epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Para sa LCSP, mas magiging magaan sana ang pasanin ng publiko kung pinagbigyan ng pamahalaan ang panawagang pansamantalang suspendihin ang pagpataw ng excise tax sa petroleum products habang umiiral ang pandaigdigang krisis sa langis. Totoong mababawasan ang koleksiyon ng buwis, ngunit ang tunay na makikinabang ay ang sambayanang Pilipino. Higit na katanggap-tanggap ang pansamantalang pagbaba ng kita ng gobyerno kaysa ang patuloy na pagdurusa ng milyun-milyong commuters at transport workers.

Hindi rin maaaring maging permanenteng solusyon ang pamimigay ng ayuda. Una, ang ipinamamahaging pondo ay hindi nagmumula sa bulsa ng mga opisyal kundi sa kaban ng bayan. Ikalawa, ang ayuda ay panandaliang lunas lamang; ang kailangan ng sektor ng transportasyon ay mga polisiyang magbibigay ng pangmatagalang katatagan sa kanilang kabuhayan.

Gayunman, hindi rin maaaring ipagwalang-bahala ng LTFRB ang epekto ng anumang fare increase sa inflation. Ang pagtaas ng pamasahe ay kadalasang sinusundan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at karagdagang pasanin sa mga pamilyang araw-araw na umaasa sa pampublikong transportasyon.

Ang tunay na sukatan ng makatarungang regulasyon ay ang kakayahang timbangin ang magkasalungat na interes nang walang kinikilingan. Hindi dapat manaig ang pulitika, kundi ang batas, ebidensiya, at kapakanan ng publiko.

Ang tanong ng taumbayan: mabanggit kaya sa State of the Nation Address ni Pangulong Bongbong Marcos ang konkretong solusyon sa lumalalang suliranin ng pampublikong transportasyon? Hindi kaya manatiling naghihintay ng katuparan ang anomang pangakong kanyang bibitiwan?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here