DAVAO CITY, Philippines — Isang walong taong gulang na Grade 3 pupil ang nasawi dahil sa brain failure at traumatic brain injury, ilang araw matapos siyang hampasin umano ng notebook sa ulo ng isang kaklaseng lalaki sa loob ng isang pampublikong paaralan sa Davao City.
Nangyari ang insidente noong Biyernes, Hulyo 17, matapos umanong mag-away ang dalawang bata, ayon sa paunang imbestigasyon ng Sta. Ana Police Station.
“Nangyari daw po ay nag-away ang dalawang bata. Allegedly, hinampas ng subject ‘yung batang babae ng notebook sa ulo. As of this time, ito pa lang po ang confirmed talaga na ginawa nung batang lalaki sa batang babae wherein inamin niya sa teacher na hinampas niya talaga sa notebook ‘yung babae,” ayon kay Sta. Ana Police Station Chief Police Major Marc Hedssel Culaste.
Nauna nang lumabas sa mga ulat na tatlong kaklase umano ang sangkot sa pananakit sa biktima. Gayunman, sinabi ng pulisya na ang kumpirmado pa lamang sa kanilang imbestigasyon ay ang paghampas ng notebook sa ulo ng bata ng isang kaklaseng lalaki.
Matapos ang insidente, nakaramdam umano ng pananakit ng katawan at ulo ang batang babae. Dinala siya sa Southern Philippines Medical Center noong Martes, Hulyo 21, ngunit binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas kinahapunan.
Batay sa paunang pagsusuri ng doktor, brain failure at traumatic brain injury ang sanhi ng pagkamatay ng bata. Nauna ring naiulat na ginagamot siya dahil sa namuong dugo sa ulo.
“So, ang initial findings ng physician, meron silang referral letter, cause of death po is brain failure and traumatic brain injury. As of this the moment, meron pa kaming hinihintay na medical findings report ng health institution wherein result ng ultrasound kasi pina-ultrasound din ang tiyan ng bata,” sabi ni Culaste.
Hinihintay pa ng mga awtoridad ang karagdagang medical findings at resulta ng pagsusuri sa mga labi ng biktima upang matukoy ang buong dahilan at mga pangyayaring humantong sa kanyang pagkamatay.
Pormal na iniulat ng ina ng bata ang insidente sa pulisya noong Miyerkules, Hulyo 22. Sinabi rin umano ng ina sa Sta. Ana Police Station na matagal nang nakararanas ng bullying sa paaralan ang kanyang anak.
Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya para sa pagkamatay ng bata.
Sinabi ni Police Col. Peter Madria, hepe ng Davao City Police Office, na inilunsad na ang isang masusi at patas na imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan at pananagutan sa insidente.
“We extend our deepest condolences to the bereaved family during this painful time. We assure the public that the Davao City Police Office will conduct a thorough, relentless, and completely impartial investigation to uncover the truth and ensure the case is handled strictly in accordance with the law,” sinabi ni Madria sa isang pahayag noong Huwebes.
Hinimok din niya ang publiko na huwag magpakalat ng mga haka-haka at hindi beripikadong impormasyon sa social media upang mapangalagaan ang integridad ng imbestigasyon at pribasiya ng nagdadalamhating pamilya.
Wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng paaralan kaugnay ng insidente.
Samantala, sinabi ng Department of Education-Davao Region na nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang DepEd Davao City Division.
Ayon kay DepEd-11 Spokesperson Jenielito Atillo, magbibigay ang ahensiya ng psychosocial intervention sa mga mag-aaral na naapektuhan ng insidente at, kung kinakailangan, sa buong komunidad ng paaralan.
Inatasan din ng DepEd Davao City ang mga kinauukulang opisyal na magbigay ng naaangkop na tulong at suporta sa pamilya ng nasawing bata.