Home HOME BANNER STORY 7 sa 10 Pinoys naniniwalang dapat sagutin ni VP Sara impeachment charges...

7 sa 10 Pinoys naniniwalang dapat sagutin ni VP Sara impeachment charges — SWS

1
0

MANILA, Philippines — Pitong sa bawat 10 adultong Pilipino ang naniniwalang dapat harapin ni Vice President Sara Duterte ang mga kasong impeachment laban sa kanya at sagutin ang mga alegasyon ng korapsyon, ayon sa survey ng Social Weather Stations na isinagawa bago ang nakatakdang pagsisimula ng kanyang impeachment trial.

Sa survey na isinagawa mula Hunyo 20 hanggang 29, lumabas na 70 porsiyento ang sang-ayon na dapat sagutin ni Duterte ang mga paratang, habang 17 porsiyento ang hindi sang-ayon at 13 porsiyento ang hindi makapagpasya.

Nagtala ito ng net agreement score na +52, mas mataas nang limang puntos sa +47 noong Marso, kung kailan 67 porsiyento ang sang-ayon at 19 porsiyento ang hindi sang-ayon.

Pinakamataas ang net agreement sa Visayas sa +58, sinundan ng Balance Luzon sa +56, Metro Manila sa +49 at Mindanao sa +42.

Kumpara noong Marso, tumaas nang 15 puntos ang net agreement sa Visayas, limang puntos sa Mindanao at apat na puntos sa Balance Luzon. Bumaba naman ito nang pitong puntos sa Metro Manila.

Lumabas din sa survey na 74 porsiyento ng mga adultong Pilipino ang dati nang nakaaalam bago ang panayam na nasa Senado na ang impeachment case laban kay Duterte at inaasahang uusad ito sa paglilitis. Ang natitirang 26 porsiyento ay nalaman lamang ang tungkol sa kaso habang isinasagawa ang panayam.

Pinakamataas ang awareness sa Metro Manila sa 79 porsiyento, sinundan ng Mindanao sa 77 porsiyento, Balance Luzon sa 74 porsiyento at Visayas sa 69 porsiyento.

Mas mataas din ang kaalaman tungkol sa kaso sa mga respondent na may mas mataas na pinag-aralan. Umabot ito sa 93 porsiyento sa mga college graduate, kumpara sa 56 porsiyento sa mga hindi nakatapos ng elementarya.

Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adulto sa buong bansa. Mayroon itong margin of error na plus o minus tatlong percentage points para sa national figures at plus o minus anim na percentage points para sa bawat pangunahing rehiyon.

Sinabi ng SWS na non-commissioned ang mga tanong sa survey tungkol sa impeachment case. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here