
APAT na buwan matapos ang pribatisasyon ng operasyon ng Ninoy Aquino International Airport noong September 2024, inanunsyo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na inihahanda na rin ang pagsasapribado ng lima pang pangunahing paliparan sa bansa upang lalong pahusayin ang serbisyong panghimpapawid sa Pilipinas at sa buong ASEAN.
Ang mga paliparang nakatakdang sumailalim sa pribatisasyon ay ang mga sumusunod:
Bohol-Panglao International Airport na nasa Panglao Island, isang “green gateway to the world” dahil sa maka-kalikasan nitong imprastraktura. Umaabot sa higit-kumulang dalawang milyon ang dumarating dito taon-taon para makita ang kamangha-manghang Chocolate Hills, ang Tarsier, at ang mga katangi-tanging pamanang Simbahan.
Davao International Airport na siyang nag-uugnay sa Metro Manila at Mindanao. Sa ulat ng Davao City Tourism and Investments Promotions Center, umakyat ng 15 percent ang mga dumarayo sa lungsod para dumalo sa mga Meetings, Incentives, Conferences and Exhibitions (MICE) na idinaraos dito. Lalong tumaas ang pagbiyahe sa lungsod sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Iloilo International Airport na siyang sentro ng transportasyong panghimpapawid sa Kanlurang Visayas na tumanggap ng mahigit sa kapasidad nitong 1.2 million na pasahero nitong 2024.
Puerto Princesa International Airport na pangunahing paliparan para marating ang mala-paraisong lalawigan ng Palawan kung saan binabalik-balikan ang deklaradong UNESCO world heritage site na Puerto Princesa Subterranean Underground River na dinarayo ng mahigit 500,000 na mga bisita bawat taon.
Siargao Airport na pangunahing pinto upang marating ang paraisong isla ng Siargao na kilala bilang destinasyon ng mga mahilig sa surfing dahil sa napakaganda nitong mga alon.
Paliwanag ng CAAP, ang pagsasapribado ng mga nabanggit na paliparan ay nakapaloob sa pangmatagalang estratehiya ng Marcos administration sa ilalim ng programang “Build Better More” upang iangat ang pasilidad at serbisyo ng mga paliparan para sa parehong lokal at internasyonal na mga biyahero.
Sa kasalukuyan, dalawang matagumpay na pribatisasyon na ang nagawa ng CAAP, ang Mactan-Cebu International Airport at ang NAIA.
Pagtitiyak ng ahensiya, patuloy na mahigpit na babantayan ng pamahalaan ang pribatisasyon upang matiyak ang patas na serbisyo at abot-kayang pasahe para sa publiko.
Kasabay nito ay nagsasagawa rin ng mga pagpapabuti sa imprastraktura ng mga paliparan, kagamitan sa panahon, at mga runway. Higit na pinalalakas ang Communications, Navigation, Surveillance / Air Traffic Management o CNS-ATM na nagbibigay-pahintulot sa mas eksaktong transmisyon ng lokasyon ng mga eroplano para sa ligtas na paglipad at paglapag. Naglaan ang pamahalaan ng US$ 35.9 million para sa hardware upgrades ng nasabing sistema.
Sa kabuuan, ayon sa CAAP, ang hakbang ay nagpapakita ng matibay na layunin ng Pilipinas na magkaroon ng isang moderno, globally competitive, at mahusay na industriya ng abyasyon sa ASEAN at maging sa Asya.