Home OPINION PAGBASURA SA OIL INDUSTRY DEREGULATION ACT, PANAHON NA

PAGBASURA SA OIL INDUSTRY DEREGULATION ACT, PANAHON NA

PANAHON na upang seryosong pag-aralan ng pamahalaan ang tuluyang pagbasura sa umiiral na batas kaugnay sa Republic Act 8479 o Oil Industry Deregulation Act of 1998.

Kasi hindi naman nakamit ng tuluyan ang tunay na layunin sa pagpapasa ng naturang batas na mapababa ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kompitensya ng mga kompanya ng langis.

Ipinasa ng pamahalaan ang naturang batas dahil sa matagal na panahon ay kontrolado ng tatlong dambuhalang kompanya ng langis sa bansa – Shell, Caltex at Petron, pawang pag-aari ng mga banyaga noon, ang presyo ng mga produktong petrolyo at sila ring bumubuo ng kartel ng langis sa bansa noon.

Bago ipasa ang naturang batas, ang Energy Regulatory Board ang nagtatakda ng presyo ng mga inaangkat na langis, na ibinabatay kung magkano ang halaga ng palitan ng piso sa dolyar na ginagamit sa pagbili ng imported na langis.

Sa oras na tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Oil Price Stabilization Fund, ang bumabalikat upang makontrol ang bentahan nito sa lokal na merkado.

Pero dahil sa patuloy ang paglobo ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan, palaki rin nang palaki ang dapat ilaan ng pamahalaan sa OPSF upang mapanatili ang mababang halaga ng mga produktong petrolyo.

Isa ito sa mabigat na dahilan para pag-aralan ng pamahalaan at ng kongreso ang pagpapasa sa Oil Deregulation Law upang mabuksan sa maraming mamumuhunan ang pagtatayo ng kompanya ng langis sa bansa at magkaroon ng mahigpit na kompitensya na dahilan upang mapilitang magbaba ng presyo ang tatlong dambuhalang kompanya ng langis.

Nagtagumpay naman ang pamahalaan at kongreso sa layuning mabuksan sa mga mamumuhunan ang pagtatayo ng kompanya ng langis dahil bukod sa tatlong dambuhalang kompanya, dumami ang mga independent oil companies at lumobo pa nga sa lima ang major oil firms.

Pero batid naman ng lahat na ang mga nagtayo ng kompanya ng langis sa bansa ay umaangkat din lang ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado, at marami pa nga sa kanila ang diesel at gasolina lang ang ibinebenta at walang gaas dahil wala naman tayong sariling langis na naipo-produce.

Kaya ang nangyayari, kapag gumalaw ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan, sabay-sabay at pare-pareho rin ang presyong ipinaiiral ng lahat ng mga kompanya, malaki man o maliit kaya nasaan ang kompitensya?

Totoo na ang ilang mga kompanya ng langis ay may mas mababang presyo kumpara sa iba pero kailangan hanapin ito para doon ka lagi magpakarga para makatipid ng konti man lang.

Kapag nagtaas kasi ng presyo ang mga kompanya ng langis, kadalasan, malakihan pero kapag nagbaba naman, barya-barya lang kaya kahit dalawa o tatlong linggong sunod pa ang rollback, hindi pa rin sapat para masambot ang isang linggong price increase.

Ano kaya kung sa halip na maglaan ng bilyon-bilyong pondo ang pamahalaan sa AKAP, AICS, TUPAD na kung tutuusin, kahit ikaila ng pamahalaan, ay pinaniniwalaang napupulitika, bakit hindi na lang ilaan itong muli sa Oil Price Stabilization Fund na lahat ay makikinabang.