Home OPINION TUPAD, AICS HAWAK NI MADAM?

TUPAD, AICS HAWAK NI MADAM?

NANINIWALA ba kayo sa kasabihang “may pakpak ang balita, may tainga ang lupa”? Kasi nga, mabilis na nakarating sa inyong PAKUROT ang hinaing ng mga beneficiary ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD at Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS sa Balayan, Batangas na tinanggal sa listahan sa utos ni Madam.

Ang madam na tinutukoy ay si Senator Loren Legarda na ang anak na si Leandro L. Leviste ay kandidato bilang representative sa 1st District ng Batangas.

Ang kwento, nagtungo sa dalawang barangay sa nasabing bayan ang kalaban ni Leviste na si incumbent 1st District Rep. Eric Buhain kung saan ay sinalubong siya ng mga residente o botante ng barangay.

Ikinasama umano ito ng loob ng senadora kung kaya’t tumawag sa alkalde ng Balayan na si Emmanuel Fronda Jr. na ang kasunod ay pagkatanggal sa listahan ng mga benepisyaryo ng TUPAD at AICS sa dalawang barangay.

Dahil may mga nagpost sa FaceBook kaugnay sa pagkawala nila sa talaan ng mga nakikinabang sa proyekto ng Department of Labor and Employment at Department of Social Welfare and Development at malamang sa alamang ay nakarating sa kaalaman ng senadora kaya mabilis din naman sa kidlat na umaksyon ito.

Mabilis na tumawag sa mga kapitan ng barangay ng mga natanggal sa talaan ang hepe ng Public Employment Service Office ng Balayan at kaagad na sinabing balik na ulit sila sa talaan.

Ibig sabihin, may control talaga ang mga politiko sa ayuda o salaping ipinamamahagi ng gobyerno?

O bukod tanging si Madam ang malakas ang loob na gawin ang pagpapatanggal sa mga benepisyaryo ng DOLE at DSWD siyempre dahil na rin sa pakikiisa sa kanya ng mayor.

Pero teka, nagbabala na ang Commission on Elections na pwede nilang i-disqualify ang kandidato na nakikisawsaw sa pamamahagi ng ayuda. Iyan, siguro, ay kung may magrereklamo at magre-report sa kanila.

Sa Balayan, malakas ang loob ng alkalde kasi nga hindi naman siya ang kandidato kung hindi ang kanyang asawa. At si Madam, hindi naman siya ang kandidato bilang representative kundi ang bilyonaryo niyang anak.

Anong masasabi ng mga taga-Balayan dito?