MANILA, Philippines — Nagpatupad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng skeletal workforce sa ilang serbisyo ngayong Semana Santa, ngunit tiniyak na tuloy-tuloy ang mga kritikal na operasyon gaya ng Minors Traveling Abroad (MTA) processing at disaster response.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, mananatiling operational ang MTA permit processing mula Maundy Thursday hanggang Good Friday upang matulungan ang mga biyaherong may kasamang menor de edad.
Samantala, pansamantalang ititigil ang regular na operasyon ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) simula Huwebes at Biyernes, at muling magbubukas sa Abril 6.
Upang matugunan ang dagsa ng pasahero, nananatiling bukas 24/7 ang MTA helpdesks sa NAIA Terminals 1 at 3, habang may mga nakatalagang assistance desks din sa Cebu, Davao, at Clark.
Nag-deploy din ang ahensya ng skeletal teams sa central at field offices upang tiyakin ang kahandaan sa sakuna at tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko sa panahon ng long weekend.
Patuloy ding inaayos ng DSWD ang mga payout at transaksyon ng AICS bago ang Abril 1 upang makumpleto ang mga ito bago ang holiday break.
Dagdag pa ng ahensya, magpapatuloy ang Cash Relief Assistance (CRA) para sa public transport drivers pagkatapos ng Semana Santa.
“Nanatiling bukas ang aming komunikasyon upang tugunan ang agarang pangangailangan ng publiko, lalo na sa panahon ng sakuna,” ani Dumlao.
Iginiit ng DSWD ang kanilang commitment na maghatid ng serbisyo kahit holiday, alinsunod sa direktiba ng pamahalaan na tiyaking walang Pilipinong maiiwan sa oras ng pangangailangan. RNT/JGC