Home NATIONWIDE Listahan ng lotto winners isinumite sa Senado

Listahan ng lotto winners isinumite sa Senado

MANILA, Philippines- Isinumite ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Huwebes ang listahan ng mga pangalan ng nanalo sa lotto mula July 2023 hanggang January 30, 2024.

Ito ay matapos ihirit ni Senator Raffy Tulfo, namumuno sa Senate Games and Amusement Committee hearing sa integridad ng PCSO games, noong nakaraang linggo ang mga dokumento sa lotto games, kabilang ang tax records, ng jackpot winners.

Isinumite ni Lyssa Grace Pagano, chief of staff ni PCSO General Manager Mel Robles, ang mga dokumentong nakapaloob sa brown envelope.

Bukod sa listahan ng lotto winners, isinumite rin ng PCSO ang tinatawag nitong “alpha list” o tala ng mga binayarang buwis ng jackpot winners mula July 1,2023 hanggang December 2023.

Tiniyak ni Tulfo sa PCSO na confidential ang mga dokumento at hindi gagamitin sa pagbusisi ng Senate panel.

Iniimbestigahan ng Senate committee ang PCSO games sa gitna ng alegasyon ng “manipulasyon” at pagkuwestiyon ng mga senador sa madalas na pagkapanalo sa lotto games na may malaking jackpot prizes.

Sa huling Senate hearing, itinanggi ni Robles na minanipula ng PCSO ang resulta ng 6/49 Grand Lotto draw kamakailan na nasolo ng isang mananaya.

“We would like to assure you that you can never, never manipulate it. Kaya nga allowed kami mag-bet, Mr. Chair. Even I can bet because it’s beyond me. Even if we wanted to, with the system we have, we cannot,” giit ni Robles.

“I take exception na kayang panalunin. Definitely, madami pong tatayo kung malaki ang jackpot. ‘Yun po naman ang objective namin– to really bring in bettors,” dagdag ng PCSO official.

Kinuwestiyon din ang pagdaragdag ng PCSO sa halaga ng lotto prize jackpots sa nakaraang committee hearing.

Paliwanag ni Robles, mayroong surplus fund upang dagdagan ang lotto prizes at ginawa umano nila ito bilang “marketing campaign” upang hikayatin ang publiko na tumaya para sa mas malaking premyo. Aniya pa, sa nakalipas na 30 araw, ibinalik nila sa PCSO ang pondong ginamit upang dagdagan ang premyo. RNT/SA

Previous articleJanice, may hanash sa mga baguhan!
Next article2,000 ikinandadong lotto outlets target muling bubuksan