Home NATIONWIDE 2,000 ikinandadong lotto outlets target muling bubuksan

2,000 ikinandadong lotto outlets target muling bubuksan

MANILA, Philippines- Sinabi ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades Robles nitong Huwebes na humahanap sila ng mga paraan upang maibalik ang operasyon ng  2,000 isinarang lotto outlets.

Sa isang panayam, sinabi ni Robles na mas mabebenipisyuhan nito ang PCSO kung magkakaroon ng karagdagang physical lotto outlets sa buong bansa.

“Ako hanggang ngayon naghahanap na ako (ng paraan) at meron na kami. Ayaw ko lang ho i-preempt,” aniya.

“Meron ho (solusyon). Tandaan niyo, it is to our benefit na magkaron ng mas maraming outlets,” patuloy ng opisyal.

Nauna nang kinuwestiyon ng mga Kongresista ang pagsasara ng 2,000 lotto outlets sa buong bansa nang hindi ipinagbibigay-alam sa mga ahente.

Inisyal na sinabi ng PCSO na isinara ang outlets dahil hindi nakaabot sa sales target, subalit nabatid kalaunan sa House hearing na walang sales target para sa ahente.

“Hindi underperformance kasi unilaterally nag-decide na tanggalin ang 2,000 agents dahil nag-decide sila unilaterally na i-reduce ang capacity basically from 8,500 to 6,500,” wika nhi Marikina Representative Stella Quimbo.

Ani Robles, naganap ang isyu bago pa siya mamuno sa PCSO.

“Even before I came, nauna na ‘yung decision na ‘yun na i-tear down sa 6,500 ang mga lotto outlets. Ang sabi ng predecessor namin, ‘yun lang ang gagamitin nila muna kasi may bagong system, ang Philippine Lottery System,” paliwanag ni Robles.

Ayon pa sa PCSO official, dapat internal na talakayin ang ansabing usapin dahil ito ay isang management issue. RNT/SA

Previous articleListahan ng lotto winners isinumite sa Senado
Next articleP10.5M ismagel na langis nasabat ng BOC