Home METRO P10.5M ismagel na langis nasabat ng BOC

P10.5M ismagel na langis nasabat ng BOC

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa P10.5 milyong halaga ng ismagel na gasolina ang nasamsam ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isang compound sa lalawigan ng Bataan.

Ayon sa BOC, nasamsam ng pinagsanib na pwersa ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), Enforcement and Security Service (ESS) at National Bureau of Investigation-Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang kontrabandong gasolina sa isinagawang operasyon sa V Fuel Gasoline Station at Compound sa Roman Super Highway, Barangay Mabatang sa bayan ng Abucay noong Enero 30.

Sinabi ni BOC-CIIS director Verne Enciso na nadiskubre nila ang mga nabanggit na kontrabando makaraang magsagawa sila ng inspeksyon sa 2,587 liters ng diesel fuel, 3,134 liters ng unleaded gasoline, at 5,342 liters ng premium gasoline.

Ayon kay Enciso, pumasok sila sa compound kung saan natagpuan nila ang 3,100 litro ng mga “unmarked fuels” na nakaimbak sa apat na tangke ng IBC (intermediate bulk container). Ang mga ito ay nakumpirma sa kalaunan makaraang isailalim sa fuel mark test na isinagawa ng SGS Mobile Laboratory-Limay at ng ESS Fuel Marking Team.

Aniya, ang mga krudong nabigo sa resulta ay dinala sa SGS Subic para sa confirmatory testing.

Gayunman, binanggit ni Enciso na ang mga krudo na natagpuan sa gasoline station na nakapasa sa fuel marking test na isinagawa ng SGS Mobile Laboratory – Subic at ESS Fuel Marking Team, ay kinakailangan pa ring magpakita ng proof of payment ang may-ari na katibayang bayad ito ng duties at taxes para sa mga imported na gasolina.

Kasunod ng operasyon, kinandado ng raiding team at tinatakan ang mga nasabing krudo na isinailalim sa inspeksyon.

Sa oras na walang naipakitang kaukulang dokumento at permiso ang may-ari ng nasabing gasoline station ay posibleng maharap ito sa kasong paglabag sa Sections 1401 at 1430 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Sections 148-A, 254, at 265-A ng National Internal Revenue Code (NIRC), na inamyendahan ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act. JAY Reyes

Previous article2,000 ikinandadong lotto outlets target muling bubuksan
Next articleChina Sea, hamon sa seguridad tinalakay ng PH, Sweden