MANILA, Philippines – Iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Lunes ang pantay na pagpapatupad ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa mga patakaran nito sa permit para sa mga proyekto sa Laguna Lake.
Kasabay, nanawagan din si Cayetano sa ginanap na budget briefing ng badyet ng LLDA na bigyan ng malinaw na paraan upang makasunod sa regulasyon ang matagal nang proyektong itinayo sa ilalim ng dating patakaran ng ahensya.
“Just treat everything equally,” wika ni Cayetano kay LLDA Acting General Manager Engr. Leopoldo Parumog sa pagtalakay sa 2027 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Senado nitong October 19.
“‘Pag sinabing doon ay flood control [project] iyon, at hindi kailangan ng reclamation permit, ganoon din dapat y’ung LLRN (Laguna Lakeshore Road Network) Highway, ganoon din dapat y’ung sa Angono [Rizal], ganoon din dapat y’ung sa Muntinlupa. Ngayon, kung sinabi niyong kailangan ng permit, dahil lahat kailangan ng permit, [then they will comply],” dagdag niya.
Napag-usapan sa naturang budget briefing ang mga regulasyong ipinapatupad ng LLDA sa mga proyekto sa Taguig Lakeshore at iba pang bahagi ng Laguna Lake, kabilang ang mga imprastrakturang itinayo sa iba’t ibang administrasyon noong iba pa ang mga patakaran ng ahensya.
Ayon kay Cayetano, dapat ding suriin ang mga matagal nang umiiral na proyekto at bigyan ang mga ito ng kaparehong pamantayan sa pagpapatupad ng mga regulasyon.
“If that construction has been going on for the last 20 years, ire-retroact ninyo, or you will provide a path forward?” tanong ng senador.
Kabilang sa mga binanggit niya ang Mangahan at West of Mangahan floodway projects, mga pagpapalawak ng kalsada, linear parks at mga proyekto sa Muntinlupa. Ani Cayetano, isinagawa ang mga ito noong hindi pa hinihingi ng LLDA ang mga permit na kasalukuyan nitong ipinagagawa.
“Sabihin ninyo sa kanila na ‘Mag-comply kayo,’ hindi y’ung biglaan ninyo silang kakasuhan dahil walang mga permit na noong time na iyon ay hindi ninyo nire-require,” wika niya.
“Kasi noong time na iyon, ‘pag flood control, road, park, they do not consider it reclamation projects. That’s why you didn’t ask for that,” dagdag niya.
Sa pagdinig, tinanong din ni Cayetano ang mga opisyal ng LLDA kung sino ang proponent o ahensyang nagpapatupad sa karamihan ng mga proyektong tinatalakay. Sumagot ang isang opisyal na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang may hawak sa mga ito.
“Sa manual ng DPWH, sino dapat ang kumuha ng permit? Sila. Sino’ng hindi kumuha ng permit? DPWH. Ano’ng kasalanan ng Taguig [ngayon]?” wika niya.
Binigyang diin ni Cayetano na hindi dapat ituro ang isang lokal na pamahalaan bilang pangunahing responsable sa mga problemang may kinalaman sa mga proyektong pinondohan ng pambansang pamahalaan dahil lamang sa hindi pagkakasundo ng mga ahensya sa mga permit at saklaw ng kanilang kapangyarihan.
“Dalawang departamento kayong nagbabanggaan, pero sa media, ang pinapalabas ninyo na ang may problema ay ang Taguig,” wika niya.
Sinabi ni Cayetano na pabor siya sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon at inspeksyon, basta’t pare-pareho ang pamantayang ginagamit ng mga ahensya sa lahat ng proyekto.
“No one is above the law. I’m just saying, just be fair,” aniya. Ernie Reyes