MANILA, Philippines – Inaasahang magsisimula ang northeast monsoon o “amihan” season sa pagitan ng Oktubre 22 at 30, ayon sa state weather bureau na PAGASA nitong Martes.
Ayon kay Ana Liza Solis, hepe ng Climate Monitoring and Prediction Section ng PAGASA, karaniwang nagsisimula ang amihan sa ganitong panahon ng taon.
“Usually, ang normal onset ng ating amihan ay between October 22-30. Yun yung normal na onset ng amihan based sa historic pronouncement ng onset,” ani Solis.
Nagdudulot ang amihan ng mas malamig at tuyong hangin. Batay sa PAGASA, ang pagsisimula nito ay nakabatay sa mga pagbabago sa panahon, kabilang ang paglakas ng high-pressure area sa East Asia at pag-ihip ng hanging mula sa hilagang-silangan sa pinakahilagang bahagi ng Luzon.
Noong Oktubre 5, idineklara ng PAGASA ang pagtatapos ng southwest monsoon o “habagat” matapos humina ang mga hanging at ulang kaugnay nito sa bansa.
Gayunman, kasalukuyang nararanasan ng Pilipinas ang epekto ng El Niño. Nauna nang sinabi ng PAGASA na posibleng umabot ito sa napakalakas na antas sa pagtatapos ng 2026 at magpatuloy hanggang unang kalahati ng 2027, na maaaring magdulot ng tagtuyot sa mas maraming lugar. RNT/MDS