MANILA, Philippines – Hinikayat ni Senador Erwin Tulfo ang Senate Blue Ribbon Committee na magsagawa ng imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa Bureau of Internal Revenue (BIR), partikular sa paggamit ng Letter of Authority (LOA) na sinasabing naging “money-making scheme.”
“Napakaraming negosyante ang gustong magsumbong pero ayaw magpakilala dahil baka ma-blacklist sila,” ani Tulfo, na binigyang-diin ang takot ng mga taxpayer sa mga abusadong examiner.
Bilang vice chair ng Blue Ribbon panel, hiniling na ni Tulfo sa bagong BIR Commissioner Charlito Mendoza ang ulat sa loob ng isang buwan.
Iminungkahi rin niyang pansamantalang ihinto ang pag-issue ng LOA, dahil umano ginagamit ito para pilitin ang mga negosyo na magbayad ng hindi opisyal at pinababang buwis na napupunta sa bulsa ng ilang tauhan sa halip na sa kaban ng bayan.
“Dati malalaking kumpanya lang. Ngayon pati maliliit na negosyo, pati may-ari ng grocery store, pati 7/11, binibigyan na ng LOA,” dagdag niya.
Samantala, papatapos na rin ang imbestigasyon ng Blue Ribbon sa flood-control projects, at ihahain na ang ebidensya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Ayon kay Tulfo, nawawala pa rin ang testigo na si Orly Guteza, at maaaring isauli ni dating DPWH undersecretary Roberto Bernardo ang umano’y kickbacks bilang bahagi ng posibleng Witness Protection Program. RNT