ILOCOS NORTE — Nasawi ang isang 58-anyos na lola at ang apat na buwang gulang niyang apo matapos banggain ng sports utility vehicle ang sinasakyan nilang “kulong-kulong” sa Pasuquin, Ilocos Norte.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabagtas ng SUV ang isang barangay road nang pumasok sa diversion road ang kulong-kulong—isang uri ng tricycle—at naganap ang banggaan.
Sugatan din ang dalawa pang sakay ng kulong-kulong, kabilang ang driver. Nakaligtas naman ang nagmamaneho ng SUV.
Ayon sa pulisya, nagkaroon na ng pag-uusap ang mga sangkot sa insidente. Hindi naman tinukoy sa ulat kung may isasampang kaso habang patuloy na inaalam ang buong pangyayari. Mary Anne Sapico