Home METRO Lola, isa pa naaktuhang nag-aabutan ng droga sa Valenzuela

Lola, isa pa naaktuhang nag-aabutan ng droga sa Valenzuela

277
0

MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang drug suspects, kabilang ang 65-anyos na lola matapos mahuli sa akto ng mga pulis na nag-aabutan umano ng droga sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela Police OIC Chief P/Col. Joseph Talento ang naarestong mga suspek na si “Lola Marites” at alyas “Keth”, garbage collector, ng Brgy. Arkong Bato.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Col. Talento na nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagkakasangkot umano ni Lola Marites sa ilegal drug trade.

Dahil dito, inatasan ni P/Lt. Sherwin Dascil, OIC Chief ng SDEU ang kanyang mga tauhan na magsagawa ng validation at monitoring sa lugar ni Lola Marites sa F. Navarette St., Brgy. Arkong Bato.

Dito, naaktuhan ng mga operatiba ng SDEU ang suspek na may inaabot umano na isang plastic sachet ng hinihinalang shabu kay alyas Keth na dahilan ng pagkakaaresto sa mga ito dakong alas-4:30 ng hapon.

Nasamsam kay Lola Marites ang tatlong plastic sachets ng hinihinalang shabu, P150 cash at isang green coin purse habang nakuha naman kay alyas Keth ang isang plastic sachet ng umano’y shabu na umabot lahat sa 2.51 grams at P17,068.00 ang halaga.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 (Otherwise known as Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. Rene Manahan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here