ILOCOS SUR-Tigok ang isang 70-anyos na lola matapos barilin sa ulo habang nakatayo sa west shoulder ng highway sa Brgy. Puerta Real, Sto. Domingo ng lalawigang ito bandang 11:50 ng umaga nitong Miyerkules, Hunyo 24.
Ayon sa Sto. Domingo MPS, ang biktima ay may-asawa, residente ng Brgy. Pussuac, Sto. Domingo, Ilocos Sur.
Base sa imbestigasyon, ang biktima ay nakatayo at parang may hinihintay nang biglang dumating ang dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo.
Tumigil ang motorsiklo ng ilang metro mula sa kinaroonan ng biktima at bumaba ang lalaking nakasakay sa likod.
Nilapitan nito ang biktima at agad na binaril sa ulo.
Pagkatapos nito, agad na tumakas ang mga suspek.
Isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa Magsingal, Ilocos Sur ang biktima.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor.
Sa crime scene ay nakarekober ang mga awtoridad ng isang kapsula o basyo ng bala ng cal.45
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para alamin kung ano ang motibo sa krimen at tukuyin kung sino ang mga salarin. ROLANDO S. GAMOSO