MANILA, Philippines – Patay ang isang lola sa Marikina City makaraang mabangga ng e-bike.
Ayon sa ulat, hindi agad nadala sa ospital ang biktima.
Sa CCTV footage, makikita ang isang lola na nagbukas ng kanyang payong at tumawid sa kalsada. Habang tumatawid ay dito na siya nabangga ng e-bike.
Tumumba ang babae at agad na nilapitan ng mga nasa lugar at ng e-bike rider.
Idineklarang patay ang 73-anyos na biktima na si Luzviminda Bisares nang dalhin sa ospital.
“Hindi ako makapaniwala bakit niya po binangga at sinagasaan po ang lola ko na nagtamo ng brain injury and putol po ang braso niya,” ayon sa apo ng biktima na si
Samantha Bisarez sa panayam ng GMA News.
Imposible umanong hindi nakita ng rider ang kanyang lola na dala-dala pa ang nakabukas na payong.
“Sabi niya may tinitingnan daw siya sa bulsa niya pero nasa CCTV at lahat noong tao doon nakita na nagse-cellphone po siya while driving,” ani Samantha.
“Sabihin na nating aksidente pero bakit mo hinayaang manlamig, lumamig ‘yung lola ko. Bakit hindi ka nag-insist na ipagamot yung lola ko o ipadala sa ospital? Para sana madugtungan pa ‘yung buhay niya?” dagdag pa.
Ipinaliwanag ng rider na hindi agad nadala ang biktima sa ospital dahil nag-panic na siya.
“Malapit na po ako sa bahay nila tapos nandun po kami papasok sa eskinita nahilo po s’ya kaya pinaupo ko po muna s’ya saglit. Hindi na po kami umabot kasi nahilo po s’ya inupo ko po sya dun,” sinabi ng e-bike rider.
Humingi ng patawad ang rider ng e-bike ngunit hindi umano sapat para sa pamilya ang nangyari sa biktima.
Inihain na ang reklamong reckless imprudence resulting in homicide laban sa suspek na nasa kustodiya na ng Marikina police. RNT/JGC