Home METRO Lola tinaga ng anak, patay; pinsan, 2 pamangkin sugatan

Lola tinaga ng anak, patay; pinsan, 2 pamangkin sugatan

MANILA, Philippines- Patay na nang makarating sa pinakamalapit na pagamutan ang isang 74-anyos na babae, makaraang pagtatagain ito nang kanyang anak na lalaki, samantalang sugatan naman ang pinsan at dalawang pamangkin nitong menor-de-edad sa Barangay Aya Talisay, Batangas.

Kinilala ang nasawing biktima na dead on arrival sa Global Care Medical Hospital na si Maria Rizaldo, 74, samantalang kasalukuyan ginagamot ang sugatang mag-iina na sina Genalyn Castillo at dalawang anak nitong 15 at 13-anyos na lalaki at babae na pawang nagtamo ng mga sugat sa parte ng katawan.

Samantala, kaagad namang naaresto ang tumakas na suspek sa Barangay Kiling, Talisay, Batangas sa isinagawang hot pursuit operation ng Talisay Police Station na kinilalang si Oliver Rizaldo, 40, residente ng nabanggit na lalawigan.

Base sa inisyal na report ng Talisay PNP, naganap ang krimen dakong alas-11:30 ng gabi (Abril 2, 2024) kung saan ang nasawing biktima ay kasalukuyang mahimbing na natutulog sa sofa sa loob ng kanilang bahay nang biglang dumating ang suspek at walang sabi-sabing pinagtataga ang ina nito.

Nabatid sa ulat na matapos na pagtatagain ng suspek ang kanyang ina ay pinuntahan naman nito sa kabilang pinto ang mag-iina na kasunod na pinagtataga ng suspek.

Kasalukuyang nahaharap ang suspek sa kasong Parracide at  Multiple Frustrated Murder at nakatakdang suriin kung mayroon itong sakit sa pag-iisip. Ellen Apostol

Previous articleClarin nakibahagi sa Elorde Awards
Next articlePekeng NBI agent na nangotong sa perya timbog!