MANILA, Philippines – NAKIKIPAG-UGNAYAN ang pulisya ng General Mariano Alvarez (GMA), Cavite sa Makati City Police kaugnay sa narekober na isang 67-anyos na ginang na hinihinalang dinukot at itinapon sa isang drainage malapit sa isang pampublikong paaralan ng nasabing lugar.
Kinilala ang biktima na si alyas Neneng Joya na nakatakdang i-turn over sa Lofts and Tower Rockwell, Makati City.
Kasalukuyang pang inaalam ang pagkakakilanlan sa dalawang suspek.
Ayon sa report, naglalakad ang biktima sa labas ng kanilang bahay sa 1802 Joya Lofts and Tower Rockwell, Makati City bandang alas-8:00 noong Setyembre 17 ng gabi dahil may kakatagpuin na kaibigan.
Lumapit ang dalawang lalaki sa kanya at tinakpan ang ilong nito hanggang sa siya ay nawalan ng malay.
Dito na dinala ang biktima sa isang kuwarto na hindi binanggit kung saang lugar at saka siya dinala sa isang sasakyan.
Umaga ng Setyembre 20, naramdaman niyang ibinabiyahe siya at nagkunwaring wala pa rin siyang malay hanggang sa ibinababa na lamang siya ng mga suspek sa isang kalsada saka umalis ang mga ito.
Dakong alas-4:30 ng madaling araw nang araw ding iyon nang nadiskubre siya ng security guard ng F. De Castro Elementary School sa Brgy F. De Castro GMA, Cavite sa isang drainage na nakatali ang kamay, paa at natakpan ng duct tape ang bunganga kaya kaagad na ipinagbigay alam ito sa mga barangay officials sa lugar.
Narekober sa lugar ang isang Infinix cellular phone na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng mga suspek.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa Closed Cicuit Television (CCTV) para sa posibleng dinaanan at pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo habang nagsagawa ng occular inspection sa pinangyarihan ng insidente. Margie Bautista